Filtered by: Topstories
News

Opisyal at crew members ng USS Guardian, pinakakasuhan


Pormal na hiniling ng isang grupo ng mga mangingisda nitong Martes kay Justice Secretary Leila de Lima na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng US Navy at crew members ng USS Guardian dahil sa umano'y "grand massacre" nito sa Tubbataha Reef Park. Sa isang liham kay De Lima, sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na dapat managot sina Rear Admiral Jeffrey Harley at Lt. Commander Mark Rice ng US Asia Pacific military command at ang 79 crew members ng USS Guardian sa pagkasira ng pamosong bahura. "The evidence is so damning enough to enforce the arrest of US Navy officials and 79 crew members of USS Guardian for extremely violating the country's sovereignty and laws. But nothing has been done to pursue their arrest and demand accountability from them," ayon sa Pamalakaya. Hanggang ngayon ay stranded pa rin sa Tubbataha Reef ang USS Guardian mula nang sumadsad ito roon noong Enero 17. Tanging ang mga mapaminsalang laman tulad ng 15,000 galon ng langis—ang natanggal mula sa barko. Ayon sa inisyal na pagsusuri sa insidente, napag-alamang mahigit 1,000 square meters ng corals sa Tubbataha Reef Park ang napinsala dahil sa pagsadsad ng barko. Pinaniniwalaang aabot ng isang taon bago bumalik sa normal na kondisyon ang isang millimeter lamang ng hard coral sa South Section ng Tubbataha. Aabot naman ng 250 taon para mag-mature ang isang metro lamang na coral. Ayon sa Pamalakaya, apektado ng insidente ang kabuhayan ng mahigit 100,000 mangingisda. "The damage caused by the grounding of USS Guardian on Tubbataha Natural Reef Park is bigger, far more reaching and strategically fatal to the livelihood of Filipino fishermen and to the fishing environment directly link to the protected reef park," ayon nito. Napagpasyahan na ng US Navy na pira-pirasuhin at dahan-dahang alisin ang 23-taong-gulang na barko mula sa bahura. Kasabay nito, humingi na ng tawad ang US Embassy sa Manila dahil sa insidente. Tinanggap na ni Pangulong Benigno Aquino III ang tawad ngunit nangakong itutuloy ang paghahain ng kaso sa paglabag ng ilang mga pangkalikasang batas. "But Aquino’s statement is merely good for public relations campaign. It has no meat or muscle at all because the culprits are free and no formal charges are filed against them," ayon sa Pamalakaya. Matapos ang insidente, pinayagan nang lumipad pabalik ang mga opisyal at crew members ng USS Guardian sa kanilang homeport sa Sasebo, Japan. "It would be legally appropriate too for the Department of Justice to file criminal and administrative charges against Philippine authorities who let Navy officials and crew of USS Guardian to launch the grand escape from justice and be absolved too from criminal liabilities arising from flagrant violations of Philippine sovereignty and giant kill of Tubbataha Reef," anang Pamalakaya. Dagdag pa ng grupo, dahil sa insidente, dapat na umanong mapawalang-bisa na ang Visiting Forces Agreement (VFA) at ang Mutual Defense Treaty ng bansa sa US, at pati na rin ang pagpapaalis sa lahat ng US troops, warships at aircraft mula sa Pilipinas. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News