ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng alkalde sa Isabela, tinambangan sa Q.C., patay


Patay ang babaeng alkalde ng Maconacon, Isabela nang tambangan ito at barilin ng mga suspek sa Quezon City nitong Martes ng gabi. Sa ulat ng dzBB radio, kinilala ang biktima na si Maconacon Mayor Erlinda Domingo. Sugatan naman ang kanyang drayber na si Bernard Lazo. Batay sa paunang impormasyon, sinabing naganap ang pananambang dakong 8:00 p.m. malapit sa Park Villa Apartelle sa Examiner Avenue sa Quezon City. Isinugod si Lazo sa East Avenue Medical Center para gamutin. Ayon kay Quezon City police chief Senior Superintendent Richard Albano, isang suspek na kinilala sa pangalang Flores Pahinado ang nadakip. Nadakip umano si Pahinado sa isang check point matapos itong umalis sa lugar kung saan pinaslang ang alkalde. Naniniwala ang pulisya na may iba pang kasama si Pahinado. Sa hiwalay na ulat ng dzBB, sinabi ni Isabela Governor Faustino Dy III na maaaring hindi pulitika ang dahilan ng pagpatay kay Domingo dahil wala naman umano itong kalaban sa darating na May 13 elections. -- FRJ, GMA News