ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arsobispo, duda sa 'PNoy' magic para maipanalo ang mga kandidato ng administrasyon


Inihayag ng isang arsobispo ng Simbahang Katoliko na pera at makinaryang politikal, at hindi ang pag-endorso ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang magpapanalo sa mga kandidato ng administrasyon sa darating na mid-term elections sa Mayo. Ang pahayag ay ginawa ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, nang hingan ng reaksiyon tungkol sa malaking kumpiyansa ng Liberal Party (LP) sa tinatawag na "PNoy magic" o ang bigat ng pag-endorso ng pangulo sa kandidato para iboto ng publiko. Sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes, nagpahayag ng pagdududa ang arsobispo kung maipapanalo ng administrasyong Aquino ang kanilang mga kandidato kung ipapaubaya lang ito sa basbas o endorso ng pangulo. "Malaki ang suporta ng presidente (Aquino sa kanyang mga kandidato), pero kung tatawaging magic touch is another one. Kasi wala namang magic doon (sa basbas). Ang magic doon ay may pera, may machinery (ang administrasyon, 'yon ang sinasabing magic," paliwanag ni Arguelles. Dahil karaniwan umanong natatalo ang mga kandidato ng administrasyon sa "mid-term" elections gaya nang magaganap sa May 2013, naniniwala ang arsobispo na gagawin ng gobyernong Aquino ang lahat para hindi ito ito mangyari sa kanilang mga kandidato ngayong taon. Sa nakaraang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Disyembre 8-11, 2012, bumagsak ang net satisfaction rating ni Aquino sa positive 55, mula sa positive 67 noong Agosto 2012. (Basahin: PNoy's satisfaction rating dips but remains 'very good'—pollster SWS) Noong nakaraang linggo, inamin ng United Nationalists Alliance (UNA) na dehado sila sa mga kandidato ng administrasyon dahil wala sa kanila ang tinatawag na "government resources" para magamit sa halalan. Ngunit tiniyak naman ng tagapagsalita ng Palasyo na hindi gagamitin sa mga kandidato ng administrasyon ang pondo ng pamahalaan. Kasabay nito, nagpahayag ng pangamba si Arguelles na baka samantalahin ng administrasyong Aquino ang mga butas sa accuracy ng mga gagamiting PCOS machine para ipanalo ang kanilang mga kandidato. Sinabi ng arsobispo na kasamang tatalakayin ang naturang pagdududa sa mga PCOS machine sa gaganaping Plenary Assembly ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Enero 27. Nanawagan naman sa publiko si Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos, na gamitin ang konsensiya sa pagpili ng mga iboboto sa darating na halalan. -- MP/FRJ, GMA News