Sumadsad ang isang barkong pandigma ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea sa may silangan-timog-silangan ng Palawan, ayon sa ulat ng Reuters, na ibinatay sa isang pahayag ng US Navy nitong Huwebes. Ayon sa ulat, sumadsad ang minesweeper na USS Guardian sa Tubbataha Reef dakong 2:25 ng umaga, mga 80 milya (130 km) mula sa Palawan. Wala umanong naiulat na nasaktan sa insidente at wala ring tumagas na langis sa karagatan, dagdag pa ng ulat.
File photo of the USS Guardian, isang US Navy minesweeper na sumadsad sa Tubbataha Reef. US Navy
Kagagaling lamang umano ng barko, na may 80 tripulante, sa isang port call sa Subic Bay, dating naval base ng US. "The crew is currently working to determine the best method of safely extracting the ship," ayon sa pahayag ng US Navy. Iimbestigahan din umano kung bakit sumadsad ang barko. Ang Tubbataha Reef ay tinaguriang isa sa pinakamagandang "dive sites" sa buong mundo, kaya ito'y ginawang Natural Park ng Pilipinas at isang World Heritage Site na may dalawang coral atolls na tahanan ng maraming uri ng mga lamang-dagat, kabilang na ang manta rays, sharks, and mga pawikan. Ang marine park ay may sukat na 97,030 ektarya. Ayon sa pahayag ng US Embassy sa Manila, nakatakdang bumisita ang USS Guardian sa Subic noong Jan. 13 para mag-refuel. Mula Subic, dapat pupunta ang barko sa Puerto Princesa City para sa isang maikling pagbisita. Ayon sa US Embassy statement: The US Navy Avenger-class mine countermeasures ship was assigned to the US Navy’s 7th Fleet and forward-deployed to Sasebo in Japan. Ang mga tripulante nito ay walong Filipino-Americans, isa sa kanila ay isa sa may pinakamataas na ranggo sa mga Enlisted Sailor, na tubong Olongapo City sa Zambales.
— LBG, GMA News