Mga sinalanta ng bagyong 'Pablo,' nagbarikada sa Compostella Valley
Tinatayang 2,000 katao na biktima ng bagyong 'Pablo' at miyembro ng mga militanteng grupo ang nagbarikada sa Compostella Valley nitong Martes upang ireklamo ang kawalan umano ng ayuda sa kanila ng pamahalaan. Sa ulat ni Pia Arcangel sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko ang siyam na oras na protesta na dahilan para ma-stranded naman ang mga motorista. Reklamo ng mga nagprotesta, isang buwan makaraang tumama ang bagyong 'Pablo,' hindi pa rin umano naaabot ng tulong ang mga biktima sa mga liblib na lugar sa Compostella Valley, Davao Oriental at Agusan del Sur. Bukod dito, nanawagan din sila sa pamahalaan na itigil na ang pagbibigay ng mining permit at sugpuin ang illegal logging na dahilan umano ng mga landslide at flash flood. Ang mga nagpoprotesta ay hinaharap naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Dinky Soliman na may dalang mga sako-sakong bigas at mga relief goods. Sa hiwalay na ulat naman ng GMA news Saksi, nagpahayag ng sama ng loob si Campostella Valley governor Arturo Uy dahil mayroon umanong nagsamantala sa mga taong sumama sa protesta. Dumami umano ang taong nagtungo sa lugar ng barikada dahil may nagpakat ng maling balita na mayroong kilalang personalidad na pupunta doon upang mamigay ng pera at relief goods. Nangako naman si Soliman na magpapadala pa ng karagdagang mga bigas para sa mga biktima ng bagyo. - FRJ, GMA News