Filtered by: Topstories
News

Kamag-anak ni Vic Siman, nais maghain ng reklamo vs mga pulis sa Atimonan shootout


Kinokonsidera ng mga kamag-anak ni Victor Siman – isa umanong jueteng operator na napatay sa umano'y encounter sa probinsya ng Quezon – na sampahan ng kaso ang mga pulis na sangkot sa madugong insidente, ayon sa ulat ng GMA News. Sa ulat ni John Consulta ng GMA News, inihayag ni Rodolfo Siman, ama ng biktima, na nais niyang linisin ang pangalan ng kanyang anak. Hindi naman natukoy sa ulat kung anong reklamo ang balak ihain ng kampo ni Siman laban sa mga pulis. “Gusto kong lumiwanag [ang isyu] at walang kasalanan ang anak ko,” ayon sa nakatatandang Siman. Noong Martes, inihatid sa huling hantungan si Vic Siman sa Holy Family Cemetery sa Calamba, Laguna, mahigit isang linggo matapos siyang mapatay ng mga awtoridad kasama na ang 12 pang iba matapos umano nilang balewalain ang checkpoint sa bayan ng Atimonan. Iginiit ng mga pulis na miyembro umano ng gun-for-hire group ang mga napatay – isang paratang na itinanggi na ng mga kamag-anak ng mga biktima. Pinaratangan ni Superintendent Hansel Marantan, ang regional intelligence officer na isa sa mga pulis na nagbabantay sa checkpoint, si Vic Siman na umano'y namumuno sa isang "partisan armed group" na sangkot sa operasyon ng jueteng, isang ilegal na sugal. Itinanggi na ng kapatid ni Vic Siman na si Christopher ang mga paratang na sangkot ang kanyang kapatid sa mga ilegal na aktibidad. Ayon sa ama ni Siman, nagtitiwala siya sa imbestigasyong isinasagawa ng National Bureau of Investigation, na inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III mag-imbestiga sa kaso. “Nagpapasalamat ako sa Pangulo. May tiwala ako sa ginagawang investigation ng NBI,” aniya. Humarap na ang mga pulis na sangkot sa umano'y shootout sa Quezon sa NBI nitong Miyerkules ng umaga upang ibigay ang kani-kanilang mga pahayag tungkol sa madugong insidente. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News