Filtered By: Topstories
News

Animal rights group, humingi ng tulong para maipadala ang elepanteng si 'Mali' sa Thailand


Humingi ng suporta ang animal rights group na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) sa Department of Agriculture (DA) nitong Martes para maipadala ang nag-iisang elepante ng Manila Zoo na si Mali sa elephant sanctuary sa Thailand. Ipinakita sa ulat ni Sherrie Ann Torres sa 'Balitanghali' ng GMA News TV, na dala ng grupo ang kopya ng online petition na pinirmahan umano ng mahigit 60,000 katao. Ang petisyon ay nais nilang ipasa kay DA Sec. Proceso Alcala. Ngunit dahil wala sa kanyang opisina si Alcala, iniwan na lamang ng grupo sa mga kawani ng DA ang petisyon. Nagprotesta rin ang ilang miyembro ng PETA—kasama ang isang Mali mascot—sa harap ng gusali ng DA. Namigay din sila ng mga flier sa mga tao kung saan nakasaad ang umano'y malalang kondisyon ni Mali. Sa kabila nito, iginiit naman ng pamunuan ng Manila Zoo na mas makabubuti pa rin na manatili si Mali sa kanilang pangangalaga. "We still believe the transfer will be critical," ayon sa veterinarian na si Donald Manalastas, division chief ng zoological division ng Manila nitong Lunes. "No matter what they say, masyado na siyang matanda to be transferred." "If they have done this earlier, kung mas bata bata pa si Mali, pero now it's very risky," dagdag pa ng duktor. Sinasabing may sakit sa paa si Mali at patuloy itong lumalala, ayon sa elephant expert na si Dr. Henry Richardson. Sa kanyang blog, inihayag nito na mayroon fatal foot problem si Mali nang bisitahin niya sa zoo noong Mayo. “Her obesity is compounding the severity of the arthritis and foot disease that she appears to be suffering from," nakasaad sa kanyang blog. Tiniyak naman ni Manalastas na sinusolusyon nila ang mga sakit ng nag-iisang elepante ng zoo. "We have two volunteers from Wild Life Experience who are helping us take care of the foot," pahayag ni Manalastas. "Dr. Richardson said Mali is obese so we are cutting her feeds, we are cutting it into half and mas okay na siya," patuloy ng opisyal. "We are addressing everything." Puro dayuhan? Nitong Lunes, inihayag ng PETA ang plano nilang ipadala ang kopya ng online petition na may 60,177 mga pirma mula sa iba't ibang tao sa buong mundo. Ngunit puna ni Manalastas, karamihan sa mga nakapirma sa petisyon ay mga dayuhan at hindi lokal na residente ng bansa. Sa hiwalay na panayam ng GMA News Online sa PETA, sinabi nito na bagaman walang breakdown sa nationality ng mga pumirma sa petisyon, naniniwala pa rin sila na malakas ang panawagan sa Pilipinas na dalhin na si Mali sa sanctuary sa Thailand. "We’re actually not able to break down the nationalities, so I’m not sure how Dr. Manalastas is able to say that," pahayag ng miyembro ng PETA. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News

Tags: mali, elephant