Ang batang bayani na nagmula sa Bicol Region
Kilala n'yo ba kung sino ang batang abogado at lokal na opisyal na ipinagmamalaking bayani ng Bicol Region dahil sa kanyang talino at katapangan na ipinamalas nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig. Isinilang noong September 28, 1910 sa Indan (Vinzons na ngayon) sa Camarines Norte, si Wenceslao Quinito Vinzons, ang naging pinakabatang deligado sa 1935 Constitutional Convention sa edad na 24. Siya rin ang pinakabatang lumagda sa naturang binuong Saligang Batas ng bansa. Nagtapos ng abogasya si Vinzons sa University of the Philippines College of Law noong 1932, at pumangatlo sa bar examination na kinuha niya sa sumunod na taon. Sa edad na 29, nahalal siyang gobernador ng Camarines Norte noong 1940, at nanalong kinatawan ng lalawigan bilang assemblyman sa sumunod na taon. Pero hindi niya lubos na nagampanan ang tungkulin bilang mambabatas nang pumutok ang digmaan noong 1941 at sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas. Dahil dito, kabilang si Vinzons sa mga unang nagtatag ng samahan ng mga gerilya sa Bicol upang lumaban sa mga Hapon. Maraming matatagumpay na operasyon ang grupo ni Vinzons sa lalawigan na naging dahilan ng pagkamatay ng maraming sundalong dayuhan. Bunga nito, naging mainit ang paghahanap sa kanya ng mga Hapon. Sa pagtataksil ng isang dating gerilya, nadakip si Vinzons noong July 8, 1942 at ikinulong sa garison ng mga Hapon sa Daet. Pilit na pinapanumpa umano ng mga mananakop si Vinzons ng katapatan sa mga dayuhan at ipinapaturo rin ang kanyang mga kasamahan sa gerilya kapalit ng kanyang kalayaan at buhay. Ngunit nanaig ang pagmamahal at kapatapan ni Vinzons sa bayan at kanyang mga kasamahan sa kilusan na naging dahilan para patayin siya ng mga Hapon sa pamamagitan ng bayoneta (pagsaksak). Dahil sa kanyang kabayanihan, ipinangalan kay Vinzons ang bayan ng Indan kung saan siya isinilang. Ipinangalan din sa kanya ang Vinzons Hall sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. -- FRJimenez, GMA News