Bangkay ng lalaki na ibinalot sa plastik at sako, nakitang lumulutang sa dagat sa Cebu City
Isang bangkay ng lalaki na pinaniniwalang biktima ng summary execution o salvage ang nakitang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Cebu City. Ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing nakabalot sa plastik at sako ang bangkay ng biktima na nakasuot ng pantalon pero walang damit. Nang suriin umano ng mga tauhan ng Bantay-Dagat ang bangkay, nakitang nakagapos ang mga kamay nito. Wala ring nakitang pagkakakilanlan sa biktima. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para makilala ang bangkay na pinaniniwalaang biktima ng salvaging. Samantala, limang bahay, kasama ang pagawaan ng rebulto ng Sto Nino, ang nasunog sa Talisay City, Cebu. Nasawi sa nasabing sunog ang isang tatlong-taong-gulang na batang lalaki na nakulong sa kuwarto ng kanilang bahay. Kuwento ng ina ng biktima, kinuha nito ang isa niyang anak nang nagaganap na ang sunog pero hindi niya nailigtas ang isa pang anak na nakulong na dahil sa paglaki ng apoy. - FRJ, GMA News