Mga nakatira malapit sa nasusunog na Dagupan dump site, ayaw umalis kahit delikado
Tumangging umalis ang may 30 pamilyang naninirahan sa gilid ng nasusunog na tambakan ng basura sa Dagupan City, Pangasinan kahit batid nila na delikado sa kanilang kalusugan ang usok na nagmumula sa sunog.
Sa ulat ni Jett Arcillana ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na mahigit 24 na oras nang nasusunog ang open dump site ng Dagupan. Nagsimulang magliyab ang tambakan ng basura nitong Lunes ng tanghali.
Ayon sa mga bumbero, sadyang mahirap patayin ang apoy sa nasusunog na tambakan ng basura dahil na rin sa nakaimbak ditong methane gas.
Gayunman, tiniyak ng mga bumbero na kontrolado na nila ang apoy ay hindi kakalat sa ibang lugar.
Desidido naman ang mga nakatira sa gilid ng tambakan ng basura na hindi aalis dahil hindi umano nila maiiwan ang lugar kung saan sila kumukuha ng kabuhayan.
Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nasunog ang nasabing dump site. - FRJ, GMA News