Filtered By: Topstories
News

Paglagda ni PNoy sa RH Law, 'di raw inilihim, ayon kay Valte


Kinumpirma na ng Palasyo nitong Sabado na napirmahan na ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III para ganap na maging batas ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 noong nakaraang linggo pa. Sa panayam ng government-run dzRB radio, inamin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na inantala nila ang pag-aanunsyo sa pagkakapirma ng batas dahil na rin sa "sensitivity" ng nasabing usapin. Mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko ang nasabing batas dahil isinusulong nito ang paggamit ng artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya. "Today, Republic Act No. 10354, or the Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, has been published online in the Official Gazette, after being signed by President Aquino on December 21, 2012," pahayag ni Valte. Magkakabisa ang batas pagkaraan ng 15 araw matapos itong malathala sa dalawang pambansang pahayagan.   "The passage into law of the Responsible Parenthood Act closes a highly divisive chapter of our history—a chapter borne of the convictions of those who argued for, or against this Act, whether in the legislative branch or in civil society," paliwanag ng opisyal. Dagdag pa niya: "At the same time, it opens the possibility of cooperation and reconciliation among different sectors in society: engagement and dialogue characterized not by animosity, but by our collective desire to better the welfare of the Filipino people." Nitong Biyernes ng hapon unang napabalita na pirmado na ang nabanggit na batas pero ayaw itong kumpirmahin ng mga opisyal sa Palasyo. Kasalukuyang namang nasa bakasyon sa Baguio si Pangulong Aquino at inaasahang babalik ng Maynila ngayong Sabado. Sa text message sa media nitong Biyernes, inihayag ni House Majority Leader Neptali Gonzales II, na siya man ay nagulat nang mabalitaan niya na napirmahan na ang RH law noong pang Disyembre 21. (Basahin: Aquino has signed Reproductive Health law – House majority leader) Sa kabila ng pananahimik sa pagkakalagda sa kontrobersiyal na batas, iginiit ni Valte na hindi nila ito inilihim sa publiko. Paliwanag niya, naabisuhan lamang ang Palace communications group na kinukumpleto pa ang mga papel tungkol sa nasabing batas nitong Disyembre 26. Sa sumunod na araw ay naabisuhan sila na tapos na ang lahat. Niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral committee report ng panukalang batas noong Disyembre 19. "At least as far as the communications group is concerned, we deemed it best to wait a couple of days before the announcement was made... Given the level of intensity (of debates), we deemed it best to wait a couple of days," ayon kay Valte. Nang tanungin kung umiwas lang ba ang Palasyo sa mga kritisismo, tugon ng opisyal: "Siguro hindi iwas batikos but given the sensitivity this has caused we deemed it best to wait a couple of days before the announcement was made." Ikinunsidera rin umano ni Aquino sa maagang pagpirma sa batas ang nakatakda nitong ilang araw na bakasyon. Kung hihintayin pa ang pagbabalik niya mula sa bakasyon ay posibleng hindi maproseso ang mga papel nito bago matapos ang Disyembre 31. Sa pagkakalagda sa nasabing batas, umaasa si Valte na matatapos na ang yugto ng pagkakahati sa nasabing usapin at magkakaisa na para sa pagsusulong ng iba pang bagay na kailangan ng bansa. "We have many areas of cooperation that it’s possible for us to be partners on, particularly environment and other advocacies," paliwanag niya. Hindi naman batid ni Valte kung magkakaroon pa ng ceremonial signing sa RH Law dahil marami na rin naman umanong pinirmahan na batas si Aquino na hindi na nagkaroon ng seremonya. Tuloy ang laban Samantala, inihayag naman ni Lipa, Batangas Archbishop Ramon Arguelles, na pinag-aaralan ng Simbahan at mga anti-RH group ang mga susunod nilang hakbang laban sa bagong batas. Naniniwala rin ang arsobispo na sinadyang ilihim ng Palasyo ang paglagda ni Aquino dahil batid ng Palasyo na maraming ayaw at galit sa pagkakapasa nito. "Hindi pa tapos ang laban. Palaging ipagtatanggol ng Simbahan ang buhay, hindi titigil ang Simbahan," pahayag sa dzBB radio ni Arguelles, vice chairman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines' Episcopal Commission on Family and Life. "Maraming nasasaisip ang iba't ibang kinatawan ng simbahan including lay people. Hindi pa nagkakaroon ng pagkakaisa, everybody's proposing many things," patungkol niya sa mga gagawing pagkilos kontra sa bagong batas. Pagkatapos ng RH bill, nangangamba ang arsobispo na marami pang "anti-life" bills ang maaaring isusulong tulad ng divorce, same-sex marriage, at maging ang euthanasia o mercy killing. Ang mga makikinabang Nanindigan naman si Albay Rep. Edcel Lagman, pangunahing may akda ng batas, na ang mga kababaihan at mga bata ang makikinabang sa bagong batas na nilagdaan ni Aquino. Makabubuti rin umano na hindi na nagkaroon ng ingay sa paglagda sa bagong batas upang maiwasan ang higit pang sigalot sa mga tutol dito gaya ng Simbahan. “With the President’s imprimatur on the enrolled copy of the RH bill, the arduous crusade for the enactment of a comprehensive and nationwide reproductive health law is over," pahayag ni Lagman nitong Sabado.   “Unlike the rage and controversy which attended the congressional debates and approval of the measure, the bill was signed as Republic Act No. 10354 in the privacy of the President’s study room without the anticipated ceremony in order not to exacerbate the conflict with some Catholic bishops and start the reconciliation process to ensure widespread support in the implementation of the RH law," patuloy ng kongresista. Dagdag pa niya: “The principal beneficiaries of the RH law are the country’s millions of women and children whose health will be protected and promoted as maternal and infant deaths radically decline as a result of voluntary family planning and contraception by choice." - RP/FRJ, GMA News