Filtered By: Topstories
News

Usapin tungkol sa pananalapi at pagpapalago ng pera, dapat na ituro raw sa mga kabataan


Panahon na umano para bigyan ng edukasyon ang mga kabataan tungkol sa usaping pinansiyal at pagpapalago ng kabuhayan, ayon sa isang kongresista. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo "Sonny" Angara, na hindi sapat na matuto lamang ang mga mag-aaral at kabataan sa pagbibilang. Sa aspeto ng pananalapi, makabubuti umano kung matuturuan din sila kung papaano ito mapapalago. “Mostly, Filipinos grow up without knowledge on how to handle their resources. They know how to count their money, but rarely know how to make it grow," puna ni Angara, chairman ng House committee on higher and technical education. Dahil dito, inihain ni Angara ang House Bill (HB) No. 490 o “Financial Literacy Act of 2012," na naglalayong isulong ang financial literacy programs sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ayon sa mambabatas, panahon na para suportahan ang mga kabataan sa usapin ng pananalapi batay na rin sa pinakabagong ulat ng “Fin-Q Survey," na ang “financial quotient" ng Pinoy ay nagtala ng all-time high na 52.6 points noong 2011. Pagpapakita umano ito na dumadami ang mga Pilipino na nag-iimpok ng pera, namumuhunan at may magandang credit management. “The results of the Fin-Q survey in the Philippines are very encouraging. Of course, there's still more to cover but we can improve our financial quotient as a country by teaching more of our people how to take charge of their finances and become responsible users of credit," paliwanag ng kongresista tungkol sa nasabing pag-aaral ng international financial services firm na Citi. Sa mga nagdaang survey, ang Pilipinas umano ay nasa "below average" sa Asia at malayo sa ibang bansa sa ASEAN. Sa pinakahuling ulat lamang umano nakapagtala ng mataas na marka ang mga Pinoy. “Financial literacy is a must in today’s world if Filipinos would really want to have financial freedom," ani Angara. "“Unfortunately, our school system does not teach our students and youth about money and personal finance. Our schools teach students numerous subjects but they don’t teach them how to handle their own money wisely." Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaloob ang DepEd ng award grants na hindi hihigit sa P1 milyon sa mga magpapatupad ng programa tungkol financial literacy courses o components para sa mga mag-aaral. - RP/FRJ, GMA News