Pagsibak sa hepe ng pulisya ng Pangasinan, bahagi umano ng kampanya vs illegal gambling
Isang malaking hakbang umano sa kampanya laban sa iligal na sugal, tulad ng jueteng, ang pagsibak sa provincial chief ng Philippine National Police (PNP) sa Pangasinan, ayon kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas. “Senior Superintendent (Mariano Luis) Versoza’s removal from his post in Pangasinan is a big step in the many series of steps we intend to take to crack down jueteng and other forms of illegal gambling," ayon sa kalihim. Pagpapatunay din umano ito na seryoso ang pamahalaan sa kampanya laban sa jueteng. Kabilang umano ang pag-alis kay Versoza bilang provincial chief sa mga huling direktibang ipinalabas ng nagretirong si PNP Chief Director General Nicanor Bartolome. Si Bartolome ay pinalitan ni Deputy Director General Alan Purisima bilang bagong pinuno ng PNP nitong nakaraang Martes. Samantala, inilagay naman si Versoza PNP Holding and Administrative Unit – Directorate for Personnel and Records Management sa Camp Crame. Ang nabakanteng puwesto ni Versoza ay pansamantalang pamumunuan ni S/Supt Manolito Labador, PRO 1 assistant regional director for operations. Una rito, ibinunyag ni Bugallon, Pangasinan Mayor Rodrigo Orduna na buhay na buhay ang operasyon ng jueteng sa lalawigan at nakikinabang umano sa jueteng payola si Governor Amado Espino Jr. Mariing itinanggi naman ni Espino ang paratang at iginiit na bahagi ito ng pulitika sa darating na halalan sa Mayo 2013. Makakalaban ni Espino sa pagka-gobernador sa susunod na taon si Alaminos Mayor Nani Braganza, na kapartido ni Roxas sa Liberal Party. - FRJ, GMA News