Filtered By: Topstories
News

Mga bangkay, patuloy na natatagpuan sa mga lugar na nasalanta ng bagyong 'Pablo'


Umabot na sa 955 katao ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong “Pablo", habang nasa P16.996 bilyon naman ang halaga ng pinsalang idinulot nito, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado. Sa inilabas na ulat ng NDRRMC nitong Sabado ng umaga, sinabing patuloy na nakakakuha ng mga bangkay sa New Bataan, Compostela Valley. Nitong Biyernes, umabot sa 906 katao ang naitalang nasawi ng NDRRMC. Sa 955 na nasawi, 573 sa mga ito ang nakilala na, 841 ang nawawala pa, at 2,662 ang nasaktan. Nabawasan ang bilang ng mga nawawala matapos maitama ang mga nadoble sa listahan. Nakasaad sa ulat ng NDRRMC na walong tulay sa Valencia City, Bukidnon, Davao Oriental, Compostela Valley at Waloe bridge sa Agusan del Norte ang naayos at madadaanan na. Apat na daan naman sa Cagayan de Oro City, Valencia City, at Davao Oriental ang naisaayos na rin. Umabot sa 591,090 pamilya o 5,782,730 katao ang naapektuhan ng bagyo mula sa 2,136 barangay ng 271 bayan at 38 lungsod. Samantala, nasa 6,921 pamilya o 27,735 katao ang patuloy na nananatili sa 56 evacuation centers. Aabot naman sa 62,927 bahay ang nawasak at 95,402 na iba pa ang napinsala. -- MM/FRJ, GMA News