Filtered By: Topstories
News

Simbahang Katoliko, hiniling na magpakita ng puwersa sa botohan ng RH bill


Nais ng isang kongresista na magpakita ng lakas ang Simbahang Katoliko sa pagtutol sa kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill kapag pinagbotohan na ito sa Kamara de Representantes sa susunod na linggo. Naniniwala si Zambales Rep. Mitos Magsaysay na walang masama kung lantarang mangampanya sa mga mambabatas ang mga alagad ng Simbahan para hindi maipasa ang RH bill. “If the Catholic Church flexes its muscle in order to protect believers from laws that is against its teachings and may harm it, they have the right to do it," pahayag ng kongresista. “The Catholic Church should make a definite stand next week. Magpakita sila ng puwersa para malaman ng lahat ang tunay na ninanais ng Simbahan," dagdag niya. Ikinatwiran din ni Magsaysay na maging si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ay nagpahayag din naman umano ng suporta para maipasa ang kontrobersiyal na panukalang batas. Una rito, pinulong ni Aquino ang mga kongresista sa Malacanang upang hikayatin ang mga mambabatas na pagbotohan na ang RH bill. (Basahin: Aquino asks House allies to vote on RH bill) Ngunit paliwanag ng Palasyo, walang direktang ipinahayag si Aquino na pagpabor sa panukalang batas at sa halip ay nais lamang ng pangulo na desisyon na ang kapalaran ng RH bill kung ipapasa o ibabasura. Nitong nakaraang Miyerkules, napagdesisyunan ng mga mambabatas na pagbotohan ang substitute version ng RH bill na, “An Act Providing for a Comprehensive Policy on Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development, and for Other Purposes". Kabilang sa mga dumalo at nagmatyag sa naturang deliberasyon sa Kamara sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo; Archbishop Gabriel Reyes ng Antipolo; Archbishop Pedro Arigo ng Palawan; at Archbishop Antonio Tobias ng Novaliches. Ayon kay House Majority Leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, malalaman ang kapalaran ng RH bill sa Miyerkules sa susunod na linggo, Dec. 12. “We will attempt a second reading vote next week," aniya. “If they (mambabatas na kontra sa RH bill) are truly confident that they have the numbers, what’s the reason of delaying it?. Nakatakdang magbakasyon ang Kongreso para sa Christmas break sa Disyembre 21, at magbabalik ang sesyon sa Enero 21, 2013. Ngunit magiging panandalian lamang ang pagbabalik ng sesyon dahil magsisimula na ang kampanya para sa May 2013 elections pagsapit ng Pebrero. Kumpiyansa naman ang anti-RH bill solon na si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, na sapat ang bilang nila para ibasura ang panukalang batas sa susunod na linggo. “We, anti-RH lawmakers, are ready for a vote and we want to do it on Wednesday," pahayag ni Rodriguez. “We will still pursue our amendments line by line, page by page," dagdag niya. - RP/FRJ, GMA News