Filtered By: Topstories
News

Trahedya sa ComVal: Gawa ng kalikasan o tao?


Malaking bahagi ng Kabisayaan at Mindanao ang sinalanta ng sinasabing pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas sa taong ito, ang Typhoon Pablo na nanalasa nitong unang bahagi ng linggong kasalukuyan. Ang kinalabasan ay mga pangyayaring tunay na nakapanlulumo. Ang mga pigura mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang magpapakita ng tunay na larawan ng trahedya: 418 (at tumataas pa) ang bilang ng mga namatay, 383 pa ang nawawala, 445 ang nasugatan, P4 bilyon ang halaga ng nasira sa agrikultura at iba pang pag-aari, pampribado at pampubliko. Gayunman, ang mga pigurang ito ay hindi makapagpapaabot ng libu-libong kalungkutan at negatibong emosyon ng 5 milyong kataong naapektuhan ng bagyong Pablo, na may international name na "Bopha." Tinutukan ng programang State of the Nation o SONA ni Jessica Soho ang Compostela Valley o ComVal dahil halos mabura sa mapa ng bansa ang ilang bayan doon matapos suyurin ng mapanalasang hangin ni Pablo. Sa ulat ni Sandra Aguinaldo, inamin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na talagang bahain o “flood-prone” ang naturang probinsya. Gayundin ay kasalukuyang namomroblema ang buong daigdig dahil sa tinatawag na “climate change.” Ito ang bahaging pangkalikasan. May kakambal kasi ang kalikasan sa trahedya sa ComVal at iba pang lugar sa bansa—ang mga gawa ng mga tao na nakasisira sa kalikasan. Sa maraming lugar sa bansa, partikular na sa ComVal, talamak umano ang iligal na pagtotroso at iligal na pagmimina sa lalawigan. Ngunit tumanggi si Compostela Valley Gov. Arturo Uy na isisi ang trahedya sa mga ito, bagama’t aminado siyang may mga risk area na karamihan ay nasa kabukiran. Ang rumagasang tubig-baha na halos bumura sa bayan ng New Bataan mula sa mapa ng probinsya ay lubhang hindi inaasahan, ani Uy.  “May espekulasyon, sabi nila, buwahi,” paliwanag ng gobernador. May espekulasyon din umanong bumigay ang waterfalls dahil sa naparaming tubig-ulan na naipon dito. Ayon naman kay Secretary Ramon Paje ng DENR, “matatarik ang watershed kaya ang bulusok ng tubig, mabilis.” Isinisisi niya ang pangyayaring ito sa pagkasira ng mga bundok sa ComVal matapos itong “gahasain” ng mga opereytor ng iligal na pagtotroso. Ayon sa kalihim ng DENR, may kabuuan na 197 illegal logging hotspots bago ibaba ang batas sa illegal log ban noong 2006. Bumaba ang bilang na ito sa 31 dahil sa pagpapatupad ng ban. Sa natirang illegal logging hotspots, ayon kay Paje, 80 porsiyento ay matatagpuan sa lalawigan ng ComVal at rehiyon ng Caraga. Aniya, hindi dapat mangyari ito dahil wala ni isang aplikasyon para sa mining operation ang inaaprubahan sa probinsya. Maliwanag ang pagpapabaya ng mga awtoridad. Ilan sa mga ito ay hindi tumupad sa kanilang tungkulin at tiyak na nakinabang. Malaki ang kanilang kasalanan. Nagkulang din sa pagbabantay ang mga karaniwang mamamayan. Hindi sila nakinabang marahil at pinagbabayaran na nila ang kanilang “sin of omission” kaya’t sila’y may karga ngayong matinding kalbaryo. May mga hindi pa nananagot. Dapat silang managot. Hindi maikukulong ang kalikasan, ngunit ang mga taong may-kasalanan, puwede kung gugustuhin ng mga nakatataas sa kanila. — Fort Nicolas Jr /LBG, GMA News