Mga namatay dahil sa bagyong Pablo, mahigit 300 na
Matapos manalasa ang bagyong Pablo sa bansa, mahigit 300 na ang naitalang namatay, habang daan-daan pa ang nawawala, ayon sa isang opisyal. "We have 325 dead and this is expected to rise because many more are missing," ani civil defense chief Benito Ramos. Hindi pa siya makapagbigay ng panibagong kabuuang bilang para sa mga kasalukuyan pang nawawala matapos manalasa dahil sa bagyo. Gayunpaman, inihayag niyang umano'y "rising rapidly from single- to triple-digits" ang bilang habang patuloy na nakararating ang mga rescuer sa mga liblib na lugar. Ilang sandali lamang matapos ang huling anunsyo ni Ramos, inihayag ng kanyang tanggapan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council na 322 na ang naitala nilang patay habang 328 naman ang nawawala pa. "Communications are bogged down, there is no electricity, roads and bridges have been destroyed," ani Ramos. "We're still on a search-and-rescue mode," dagdag niya. Datos ng NDRRMC Sa kanilang 11:30 p.m. na update noong Miyerkules, inihayag ng NDRRMC na umabot na sa 401 katao ang sugatan, habang 378 naman ang nawawala dahil sa bagyo. Nagmula ang mga huling namatay sa Cebu at Compostela Valley sa Mindanao, ayon sa NDRRMC. Ayon sa ahensya, umabot sa 48,317 pamilya sa 25 probinsya ang mga apektado. Umaabot sa 38,084 pamilya naman ang nananatili pa loob ng 397 evacuation centers. Sa update dakong 11 p.m. noong Miyerkules, inihayag ng NDRRMC na 3,531 pasahero na ang stranded, kasama na ang 496 rolling cargoes, 105 vessels at 19 motor bancas. Nagiba naman ang anim na tulay at 14 na daanan, na nagpapahirap sa pagpapadala ng relief goods sa mga apektadong lugar. Naibalik na ang kuryente sa Bohol ngunit nananatili pa ring nakararanas ng outages ang Siquijor Island, Negros Oriental, at ilang bahagi ng Cebu isang araw matapos manalasa ang bagyo sa kanilang mga lugar. Nagiba na rin ang mahigit 1,400 kabahayan sa Region 10 at Caraga, habang 1,570 ang nasira. Evacuation centers Nitong Miyerkules, inihayag ni Maj. Gen. Ariel Bernardo, pinuno ng Army's 10th Infantry Division, na may ilang evacuation center sa probinsya ang gumuho. "Doon sa Davao Oriental and even sa Compostela Valley, nagkaroon ng preemptive evacuation Monday night ... Sad to say sa Davao Oriental ... sa lakas ng hangin, ulan at bagyo, may nag-collapse na evacuation center," aniya sa panayam ng dzBB radio. Ayon sa kanya, 115 katao na ang patay sa Davao Oriental, aabot naman sa 148 ang sugatan at 21 ang nawawala. "Ang structures nila, hindi well-built to withstand (storms), hindi gaya sa Bicol," aniya. Ayon kay Bernardo, prayoridad nila ngayon ay pagkuha ng mga cadaver bags para sa mga namatay. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News