PNoy: P8 bilyon, inihanda para sa disaster relief ng Bagyong Pablo
Inihanda na ang P8-bilyong pondo para sa disaster relief operations at pagpapaayos ng mga nasirang imprastraktura para sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Pablo, inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules. “[Budget] Secretary [Florencio] Abad informed me last night that there is at least P8 billion ready to take care of all of the expenses necessary here and also in the necessary emergency infrastructure—‘yung mga roads that were closed, etcetera, kung may damage,” ani Aquino sa panayam ng media. “There is sufficient fund at this point in time,” dagdag niya. Mula sa kabuuang halaga, nagmula ang P4 bilyon sa calamity fund ng gobyerno at ang natitira naman ay mula sa "revenues from unexpected sources. This is with the sale of the FTI.” Sa kanyang talumpati sa general assembly at oath-taking ng League of Municipalities of the Philippines, inihayag ni Aquino na nakalaan ang P40 milyon para sa ipamimigay na pagkain at relief goods sa mga biktima ng bagyo. “Umabot na rin po sa mahigit 40 milyong piso ang halaga ng inilaang food packs at relief goods mula sa DSWD [Department of Social Welfare and Development],” aniya. Kasabay nito, hiniling niya ang mga lokal na opisyal na huwag gamitin ang kalamidad para sa kanilang politikal na interes. “Umaasa ako sa kooperasyon ng bawat munisipalidad sa bansa: huwag po sana nating pagsamantalahan ang mga pagkakataon tulad nito para mamulitika, o magpapogi para sa susunod na eleksyon,” aniya. Nang tanungin kung may plano na ba siyang bisitahin ang mga apektadong lugar, partikular na sa Compostela Valley at Davao Oriental, inihayag ni Aquino na: "Yes. 'Yung ‘when’, I will have to ask the team that is planning [the schedule]. Pero I really want to go to Compostela Valley and Davao Oriental." Ayon sa Pangulo, inatasan na niya si Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II na suriin ang pinsala dulot ng bagyo para sa kanya. “Si Secretary Roxas actually is in Mindanao at the present time. Gusto nating malaman [‘yung] circumstances of, for instance, ‘yung army na unit: bakit sila naka-base? Saan nagkaroon ng flashflood? May report na [may] evacuation center na nadale rin ng flashflood,” aniya. Sa ngayon, kuntento na si Aquino sa paghahanda ng iba't ibang ahensya at lokal na pamahalaan, ngunit naniniwala siyang maaari pa itong mapabuti. “Kung iko-compare natin sa ‘Sendong’ ang laki naman yata ng diperensya ng casualties natin dito, ano. Pero any single casualty is a cause for distress. Parati nating hahanapin: ‘pwede bang nabawasan pa ito?’ Well, the count is about 70 right now, ano,” aniya. “We will always try to seek better and better performances...Gumana ‘yung mga sensors na nakabit na ng Project NOAH especially for Iligan and Cagayan. It’s still an ongoing project. Sinabi naman na medyo matatagalan ‘yung 18 river basins na dapat imo-monitor. But, again, any single casualty is a cause of distress,” dagdag niya. Ayon kay Aquino, inatasan na rin niya si Science and Technology Secretary Mario Montejo na suriin ang mga lugar na apektado ng bagyo kung ito ba ang mga lugar na kinilala ng gobyerno na may mataas na banta ng pinsala dulot ng mga bagyo. “May assessment na ongoing rin na ‘yung mga previously parang less risky baka naman na-inundate ng tubig ngayon at doon naging very risky. So may ongoing reassessment ‘nung areas [which] has the potential to be a dangerous place. So ongoing rin ‘yon,” aniya. Nang tanungin naman kung inatasan din ba niya si Roxas na alamin kung sino ang dapat managot, inihayag ni Aquino: “Maraming priorities [pa] at saka na siguro ‘yung kung may nagkulang.” Ayon sa PAGASA, bumagal na at bahagyang humina ang bagyo habang nananatili pa rin ito sa Palawan matapos mag-landfall nitong Miyerkules ng umaga. Sa kanilang 11 a.m. advisory, nakasaad na gumagalaw ng hilagang-kanluran na direksyon sa 19 kph ang bagyong Pablo. Tinatayang nasa 120 km hilagang-silangan ito ng Puerto Princesa City, na may maximum sustained winds na 120 kph near the center at bugso na hanggang 150 kph. Sa darating na Biyernes ng umaga, maasahang nasa 610 km kanluran ito ng Dagupan City, Pangasinan. — Amanda Fernandez/BM, GMA News