'Lolong' ligtas sa pananalasa ng Bagyong Pablo
Maayos ang kalagayan at kondisyon ni Lolong, pinakamalaki sa mga nakakulong na buwaya sa buong mundo, sa kanyang tirahan sa Agusan sa kabila ng patuloy na pananalasa ng bagyong Pablo, ayon sa ulat ng "Saksi" ng GMA News noong Martes. Kasalukuyang nasa Bunawan Eco-Park and Research Center sa Barangay Consuelo sa bayan ng Bunawan sa Agusan del Sur ang 21-talampakan, 1,075-kilong saltwater crocodile. "Maayos ang kanyang lagay ngayon sa kabila ng masungit na panahon," ani GMA News reporter Jiggy Manicad sa ulat. Noong Martes ng umaga, hindi madaanan ang mga kalsada sa Bunawan dahil sa baha dulot ng bagyo. "'Yung Bunawan Lake na 'yan... diyan nakatira si Lolong. Malaking lawa, kaya aapaw ito. Closed sa traffic po itong bayan ni Lolong," ani Usec. Benito Ramos, executive director ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC), sa panayam ng News To Go noong Martes. Sa Bunawan, itinumba ng malakas na hangin ang mga puno at nasira ang ilang mga kabahayan. Patuloy ring pinagsisikapan ng mga residenteng isalba ang kanilang mga kabuhayan. Ayon sa ulat, wala pa ring kuryente sa kanilang buong bayan, at mahigit 300 pamilya na ang inilikas. Sa unang pagkakataon sa loob ng 30 taon, tumaas ng limang metro ang lebel ng tubig sa Sumilao River sa loob lamang ng tatlong oras, ayon sa ulat ng "Saksi." "Talagang sa tingin namin, flash flood siya. Lahat ng nadaanan ng tubig... malakas talaga kaya naanod ang mga malalaking kahoy," ani Bunawan Mayor Cox Elorde sa ulat. Sa kabila ng panganib, may ilang mga residente pa ring sinusubukang kuhanin ang mga kahoy na lumulutang sa ilog. Ayon sa ulat, delikadong maanod ang mga kahoy sapagkat karugtong ng ilog na ito ang Agusan river—na makakaapekto sa komunidad ng Butuan at sa Agusan Marsh. "Parang pinaka-buffer zone.... So lahat ng tubig galing Davao papasok muna 'yan sa Agusan Marsh, kaya hindi magpa-flash flood doon sa Butuan City dahil mako-control ng Agusan Marsh 'yan," ani Elorde. Samantala, sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Rosario, natumba ng malakas hanging dala ng bagyo ang 10 poste ng kuryente. "Delikado naman sa mga pasahero baka tamaan ng kuryente. Live siguro 'yan. Sana maayos na," ayon sa isang residente sa hiwalay na ulat. Nagiba rin ang ilang mga tirahan dahil sa mga punong natumba ng malalakas na hangin. "'Yung yero sa kapitbahay namin, dito pumunta kasi may ipu-ipo. dumaan 'yung ipu-ipo, dito bumagsak sa kanila," ayon sa isa pang residente. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News