Filtered By: Topstories
News

Bagyong 'Pablo', pinakamalakas na bagyong tumama sa Mindanao sa nakalipas na 2 dekada


Sa hangin na umabot ng 185 kph (kilometer per hour), ang bagyong Pablo (Bopha) na ang maaaring pinakamalakas na bagyong tumama sa Mindanao sa nakaraang dalawang dekada, ayon sa PAGASA nitong Martes. Ayon kay state weather forecaster Jori Loiz, kung tutuusin ay kaunti lamang ang tropical cyclone na tumama sa Mindanao sa taong ito. Ikinukonsiderang isa sa pinaka-mapaminsalang bagyo na pumasok sa bansa sa loob ng nakalipas na 12 taon ang tropical strom na 'Sendong'. Umabot sa 1,257 katao ang nasawi sa nabanggit na bagyo, at P1.6 bilyong ang pinsala sa agrikultura nang hagupitin nito ang Mindanao noong Disyembre 2011. Patuloy na pinag-aaralan umano ng ahensiya ang lakas at direksyon ni bagyong "Pablo." “Subject for further research is Pablo. Very unusual si Pablo sa formation. Inaalam namin kung bakit nagform at nag-intensify siya below five degrees latitude. Tinitingnan din namin kung ano ang nag-sustain sa kanya kasi nag-stationary then moved westward," paliwanag ni Loiz. Ang lakas umano ni "Pablo" ay kayang bumunot ng puno at sumira ng mga bahay na gawa sa mga mahinang materyales. Nauna nang inihayag ng PAGASA na maaaring magdala ng "heavy to intense" na pag-ulan si "Pablo" sa Davao Oriental sa lakas ng hangin na 175 kph at bugso na hanggang 210 kph. Maagang babala Sa kabila ng lakas ng bagyo, inaasahan ni Loiz na mas kaunti ang pinsalang maaari nitong idulot kumpara sa "Sendong." “Kaya malaki ang pinsala noon e hindi handa ang tao, hindi aware. Isa pa, gabi tumama si Sendong, tulog ang mga tao nung biglang tumaas ang tubig," aniya. “Ngayon, nag-warning kami one week before pa. Handa na ang mga tao. Isa pa, kung tatama siya sa Cagayan River, wala na halos mga bahay dun," dagdag ni Loiz. Mahigit 7,0011 residente o 1,303 pamilya mula Regions 10, 11 at 13 ang inilikas ilang oras bago mag-landfall ang bagyong "Pablo." Sapilitan ding inilakas ang mga residente ng Lingig at Hinatuan sa Surigao del Sur noong Lunes ng gabi. Ayon kay Loiz, inaasahan na lalabas ng area of responsibility ng Pilipinas si "Pablo" sa darating na Biyernes. “Bumagal siya. Kanina 20 kph na lang kaya made-delay ang paglabas pero yun ay kung hindi magbabago ang kanyang bilis at direksyon," pahayag ng opisyal. Inaasahan din na makararanas umano ang Metro Manila ng pag-ulan sa Miyerkules ng gabi na epekto ng bagyo. 2 ang nasawi Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dalawang residente na mula Mindanao ang naiulat na nasawi matapos tumama ang bagyong "Pablo." Ayon kay NDRRMC head Benito Ramos, namatay ang pinakahuling biktima nang mabagsakan siya ng puno. "May nakamotor, nadaganan ng kahoy habang nakamotor sa kalsada (sa) Misamis Oriental," inihayag ng opisyal sa panayam ng dzBB radio. Ayon kay Ramos, mula sa inisyal na ulat, kinilala ang namatay na si Jigger Gumunit, 30. Samantala, namatay naman ang 50-taong-gulang na babae sa bayan ng Manay sa Davao Oriental nang mabagsakan ng puno ng niyog. Mayroong din umanong naganap na landslide sa New Bataan sa Compostela Valley ngunit wala namang naiulat na namatay. Samantala, wala pa ring kuryente nitong Martes ng hapon sa ilang bahagi ng Davao Oriental at Surigao del Sur. Sa Cagayan de Oro City naman, nagtungo na sa mga hotel ang mga residente kasabay ng pansamantalang pagpatay ng kanilang mga kuryente dahil sa bagyong Pablo. Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung kailan manunumbalik ang kuryente sa Cagayan de Oro, ayon sa ulat ng radio dzBB. Nananatili naman bukas ang ilang mall sa lungsod ngunit kaunti lamang ang pumunta, dagdag sa ulat. Pansamantalang pinutol ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Lunes ng gabi at sa ilang bahagi ng isla bago pa man ang pagtama sa lupa ng bagyong "Pablo."  - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News