PAGASA: Paparating na bagyo maaaring papasok sa PHL ngayong gabi
Inaasahang papasok ang patuloy na lumalakas na bagyo mula sa silangan sa Philippine Area of Responsibility ngayong Linggo ng gabi, ayon sa state weather forecasters. Sinabi ng PAGASA dakong alas-10 ng umaga na matatagpuan ang bagyong Bopha mga 1,110 km silangan timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. "Estimated mamayang 8 p.m. papasok sa Philippine Area of Responsibility [PAR] sa may Palau area," ani National Disaster Risk Reduction and Management Council head Benito Ramos sa isang news conference na ipinalabas sa dzBB radio. Ayon kay Ramos, sakop ng PAR ang ilang bahagi ng Palau, Tawin at Sabah. Sa kanilang 11:00 a.m. advisory, inihayag ng PAGASA na umaabot na sa 185 kph malapit sa gitna ang hanging dala ng bagyo at may bugso na hanggang 220 kph. Sa oras na pumasok sa PAR si Bopha, tatawagin itong "Pablo." Ayon sa PAGASA, maaaring magdala ng pag-ulan na 20 hanggang 30 mm bawat oras (heavy to intense) ang bagyo sa loob ng 700-km na lawak nito. Sa darating na Lunes ng umaga, inaasahang nasa 660 km silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ang baygo. Sa Martes naman ng umaga, inaasahan itong nasa 140 km silangan hilagang-silangan ng Hinatuan o 230 km silangan timog-silangan ng Surigao City. Sa Miyerkules na umaga naman, inaasahang nasa 60 km hilaga ng Dumaguete City ang bagyo. Samantala, ayon sa PAGASA, habang masyado pang malayo ang bagyo mula sa bansa, dapat maghanda na ang publiko at ang disaster coordinating councils para sa nalalapit na pagpasok nito sa bansa. Samantala, inihayag ni PAGASA senior weather forecaster Robert Sawi na maaaring aalis na ang bagyo sa Biyernes, ngunit magdadala pa rin ito ng pag-ulan sa ilang bahagi ng timog Luzon at sa iba pang bahagi ng Luzon. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News