Filtered By: Topstories
News

Pinoy na sugatan sa pagsabog ng oil rig sa US, pumanaw matapos makasama ang pamilya


Dalawa na ang Pilipinong nasawi sa sumabog na oil platform sa Mexico gulf malapit sa Louisiana, USA. Ito ay makaraang pumanaw ang isa pang Pinoy na nakaratay sa ospital bunga malubhang pinsala na tinamo sa naganap na aksidente noong Nobyembre 16. Sa pahayag na ipinalabas ng Embahada ng Pilipinas sa Washington, inilahad nito na binawian ng buhay si Avelino Tajonera, 49, nitong Sabado. Pumanaw umano si Tajonera ilang oras matapos siyang bisitahin ng kanyang pamilya na nagmula pa sa Pilipinas. Isang welder mula sa Dinalupihan, Bataan, kasama si Tajonera sa mga empleyadong malubhang nasugatan matapos ang pagsabog sa pinagtatrabahuhang oil rig. Sa siyam na Pilipinong nagtatrabaho rito, tatlo sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon dahil tinamo nilang matinding pinsala sanhi ng pagsabog, ayon kay Philippine Ambassador Jose Cuisia, Jr. Patuloy naman ang paghahanap kay Jerome Malagapo, 28, isa pang Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing oil rig. Bukod kay Tajonera, ang isa pang Pinoy na nasawi sa aksidente ay si Ellroy Corporal, 42. “The Filipino nation joins his family in grieving over their loss," pahayag ni Cuisia. Sa Martes nakatakdang iuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Corporal. Hinintay lang ang pamilya Paliwanag ni Cuisia, nalaman niya ang pagpanaw ni Tajonera mula kay Randolf Malagapo, ang executive manager ng D&R Resources. Ang nabanggit na kumpanya ang nagbigay ng trabaho sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa offshore oil and gas industry sa Louisiana. Nagkita umano sina Malagapo at ang mga kamag-anak ng biktima sa Regional Burn Unit ng Baton Rouge General Hospital nang dumating ang mga ito sa Amerika nitong Huwebes ng gabi. Ilang oras matapos ang pagbisita ng kanyang asawa at mga anak, binawian na ng buhay si Tajonera. Tiniyak naman nina Cuisia at Chicago Philippine Consul General Leo Herrera-Lim na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga naulila ni Tajonera. Dagdag ni Cuisia, nakatanggap din umano ng tulong ang pamilya ng biktima mula sa D&R Resources at Grand Isle Shipyard Inc. Ang pagsabog Sumabog ang oil rig noong Nob. 16 habang nagwewelding ng tubo ang mga trabahador sa deck ng platform. Nasa 22 katao ang nagtatrabaho sa rig nang sumiklab ang apoy na agad nagpakawala ng maitim na usok. Labing-isang manggagawa ang inilikas, habang siyam naman ang dinala sa mga ospital sa pamamagitan ng helicopter. Hindi ito ang unang insidenteng kinasangkutan ng Black Elk Energy Offshore Operations, ang operator ng sumabog na oil rig. Nauna nang nagbabala ang mga awtoridad na maaaring mawalan ng lisensya ang nasabing kumpanya kung hindi nito itataas ang kalidad ng safety performance nito. - RRDinglasan/FRJ, GMA News