Filtered By: Topstories
News

Pumanaw na ang pinakamatandang obispo ng Simbahang Katoliko na nabubuhay


Si retired San Pablo (Laguna) Bishop Pedro Bantigue ang pinakamatandang obispo ng Simbahang Katoliko na nabuhay sa edad na 92. Ngunit pumanaw si Bantigue nito lamang Miyerkules ng hapon habang nakaratay sa Intensive Care Unit ng San Pablo Medical Center. Sa Enero 2013 ay ipagdiriwang sana ng Obispo ang kanyang ika-93 taong kaarawan. Ang pagpanaw ni Bantique ay ipinaalam ng St. Claire of the Missionary Sisters of the Holy Face of Jesus, na itinatag ng obispo. Sa artikulong nakalagay sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, inihayag ni Dra. Cynthia Sanchez, na lumubha ang kondisyon ni Bantigue nitong Lunes dahil sa internal bleeding. Isinilang noong January 31, 1920 sa Hagonoy, Bulacan, inordinahan bilang pari si Bantique noong May 31, 1945. Ilang taon din siyang naging sekretaryo ng archbishop ng Manila mula 1945 hanggang 1954. Matapos na maging obispo noong July 1961, nagsilbi siyang Auxiliary Bishop ng Manila. Pagsapit ng Abril 1967, italaga siya bilang unang obispo ng San Pablo, Laguna. Nanatili siya sa San Pablo hanggang sa magretiro noong 1995 pagsapit niya sa edad na 75. Nagsilbi rin siyang miyembro ng Marriage Tribunal, chairman ng CBCP Commissions on Family and Life, Clergy and Prisoners’ Welfare, at treasurer ng CBCP noong 1976. Naging bahagi rin si Bantigue ng makasaysayang Second Vatican Council sa Rome na ginanap may 50 taon na ang nakalilipas. -- FP/FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia