Filtered By: Topstories
News

Ang pagkakaibigan ng 2 modelo na nauwi sa malagim na krimen


Matalik na magkaibigan ang turingan sa isa't isa ng kapwa modelo na sina Julie Ann Rodelas at Althea Altamirano. Ngunit sa isang iglap, nasira ang buhay at pagsasama ng dalawa dahil sa umano'y tsismis na humantong sa isang malagim na krimen.
Althea: 'We love to go to the beach even just the two of us.'  Litrato galing sa FB account ni Althea
Sa Facebook account ni Althea (na ngayo'y sarado na), makikita ang mga litrato ng dalawa na masayang magkasama at tila hindi kayang paghiwalayin ng panahon. "We love to go to the beach even just the two of us," ani Althea sa isa nilang litrato. Bukod sa pagpunta sa beach, sleepover din ang isa sa paboritong gimmick ng dalawa. "We love fruits for midnight snack, she do usually (sic) sleepover at my house," ani Althea.
Frenemies: Sinong mag-aakala na sa malagim na paraan magtatapos ang pagkakaibigan nina Althea (kanan) at Julie Ann (kaliwa)? Litrato galing sa FB account ni Althea ni
 
Kung titingnan ang mga litrato, mahirap isipin na sa malagim na paraan magtatapos ang pagsasama ng dalawa — ang isa biktima ng krimen, ang isa naman ay suspek. 
 
Nitong madaling araw ng Nobyembre 6, natagpuang patay si Julie Ann, 20, sa Barangay San Roque sa Quezon City na may mga tama ng bala sa ulo at katawan. Bago ito, kasama ng biktima si Althea, 23, sa isang mall sa Pasay City at World Trade Center.
Ayon sa mga ulat, nang makarating sa harap ng WTC ay agad na kinuha ng mga armadong lalaki si Julie Ann at sapilitang ipinasok sa isang sasakyan. 
 
Naiwan ang natatarantang Althea hawak ang mga gamit na nahulog ng kanyang kaibigan. Iyon na ang huling pagkakataong nakita niyang buhay ang matalik na kaibigan. 
 
Away dahil sa tsismis?
 
Sa isang naunang panayam, inihayag ni Althea na hindi niya kilala ang mga dumukot sa kanyang kaibigan. Hindi rin umano niya maibigay ang plaka ng sasakyang ginamit umano ng mga suspek.  
 
Ngunit sa kalaunan, inamin din niyang sangkot siya at ang kasintahan niyang si Fernando "JR" Quiambao Jr., 32, sa nangyari kay Julie Ann.
 
"Tinutulungan ko si Jaja (nickname ni Julie Ann). Binibigyan ko siya ng damit, inaayusan ko siya, tapos itsi-tsismis tsismis niya ako," kwento niya. "Nagalit po ang boyfriend ko, sabi niya, tuturuan niya ng leksyon. Sabi ko nung una, huwag na. Tapos sabi niya po, magaling daw po siya sa ganoon. Wala daw pong bulilyaso daw po. Ginagawa na raw niya po dati. Pumayag na po ako."
Ayon sa ulat, si Althea ang tumulong kay Julie Ann na pumasok sa pagmomodelo. Litrato galing sa FB account ni Althea
 
Sa gitna ng kanilang pagkakaibigan, nagkaroon sila ng samaan ng loob nang ipamalita umano ni Julie Ann sa kanyang Facebook ang sikreto ni Althea, na mayroon siyang dalawang anak—na naging dahilan kaya hindi na siya nakakatanggap ng mga alok na trabaho bilang modelo.
 
Sa ulat ni Hadji Rieta sa 'Kape at Balita' ng GMA News TV, napag-alamang si Althea ang tumulong kay Julie Ann para makapasok sa pagmomodelo. Kinailangan ni Julie Ann na kumita upang mapag-aral ang sarili sa kolehiyo.  
Turuan ng leksyon
 
Ayon kay Althea, hindi umano kasama sa kasunduan na patayin si Julie Ann kaya ikinagulat na lamang niya nang malamang na patay na ang kanyang kaibigan.
 
"Lumpuhin daw po. 'Yon lang po sabi nila sa ‘kin, sabi ni JR sa 'kin," lumuluhang ikinuwento ni Althea sa media. "Ako nagdala doon kay Julie. Hindi ko alam na ganoon kaya pala kinu-convince niya 'ko na dalhin doon si Julie." 
 
"Sabi lang po sa 'kin, tuturuan lang ng leksyon. Tapos noong nalaman ko pong patay na, sabi ko, ‘bakit patay na?’" dagdag niya.
Sa dami ng kanilang mga litrato, hindi maikakaila ang pagiging malapit nina Althea at Julie Ann sa isa't isa. Litrato galing sa FB account ni Althea
 
Ayon sa mga pulis, ang galit ni Althea kay Julie Ann lamang ang nakikita nilang motibo sa pagpatay. 
 
Samantala, mariin namang itinanggi ni JR na may kinalaman siya sa nangyaring krimen. Inaalam din ng pulisya ang impormasyon na ibigay ng isang nahuling suspek na posibleng ginahasa pa ang biktima bago pinatay.
 
Masama ang kutob
 
Sa panayam ni Saleema Refran sa 'News to Go' ng GMA News TV, inihayag ni Luz Rodelas, ina ni Julie Ann, na nagkaroon niya ng masamang kutob kay Althea.  
 
"Noon pa naman kinukutuban ako sa mukha niyan. Kaya pala naman, ipapahamak nga niya talaga anak ko. Nangyari na nga ngayon," kwento niya.
 
Sa kabila nito, napanatili pa rin ng dalawa ang kanilang pagkakaibigan.
 
Sa katunayan, tatlong araw matapos ang krimen, nag-post si Althea ng isang tribute album, na pinangalan niyang "Twins," sa kanyang Facebook.
Pinuno niya ito ng kanyang mga litratong kasama si Julie Ann na nagpapakita kung gaano sila kalapit sa isa't isa.
 
Hindi mapapatawad
 
Samantala, inihayag na ng mga kaanak ni Julie Ann na hinding-hindi nila mapapatawad si Althea at ang iba pang mga suspek.
 
"Kahit anong gawin niyang pag-iyak, paghingi ng sorry, hindi na niya maibabalik ang buhay ng kapatid ko na sinira niya," ani Gina Rodelas-Yaquit, kapatid ni Julie Ann, sa panayam ng Unang Balita. "Ang daming pangarap ng mga kapatid ko para sa kapatid ko. Kapatid ko, nagtatrabaho para lang makapag-aral. Alam naman niya iyon e."
 
 
Ayon naman sa isa pang kapatid, lubos pa ring naghihinagpis ang pamilya sa pagkamatay ng kanilang bunso.
 
"'Yung kapatid ko po talaga, pangarap niya pong maka-graduate kaya nga po niya pinu-pursue ang pagmo-modeling niya, pag-e-extra niya, para po, 'pag maka-graduate na siya, sinasabi namin sa kanya, 'Kapag maka-graduate ka, 'yung sweldo na nakukuha mo ngayon, mas mahihigitan mo iyon. At the same time, iba po kasi talaga ang naka-graduate,'" ani Russel Rodelas sa panayam ni Hadji Rieta sa 'Kape at Balita' ng GMA News TV.
 
Nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis ang apat pang suspek sa pagpatay kay Rodelas—si Althea, ang umano'y mastermind; JR; Gelan Pasawilan—matapos ang hiwalay nilang pag-aresto sa Pampanga at Quezon City nitong nakaraang Sabado
 
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Superintendent Mario de la Vega, pinaghahanap pa ang dalawa pang mga suspek—na kinilala bilang Efren Talib at isang tinatawag na Aldos. 
 
Samantala, napatay naman sa isang engkwentro ang isa pang suspek na kinilala bilang si Bob Usman. –KG/HS/KBK/FRJ, GMA News Photos curated by Nikki Marzoña