Mga Muslim, dumagsa sa mga moske sa araw ng Eid'l Adha
Dinagsa ng mga Pilipinong Muslim ang iba't ibat moske sa bansa upang manalangin para sa taunang Eid'l Adha, isang mahalagang petsa ng Islam. Sa timog Kamaynilaan, nagtungo ang mga Muslim sa Blue Mosque sa Taguig City para sa kanilang tradisyunal na panalangin, ayon sa isang ulat sa dzBB ni Glenn Juego. Idineklara kamakailan ni Pangulong Benigno Aquino III na isang holiday ang Eid'l Adha. Kilala rin sa tawag na "Feast of Sacrifice," ipinagdiriwang ang Eid'l Adha bilang paggunita sa pagpayag ni Abraham na ialay ang anak nitong si Ishmael bilang pagsunod sa Panginoon. Ito ay maihahalintulad sa kuwento ni Abrraham sa Old Testament, kung saan, matapos masubukan ang katapatan sa Panginoon, binigyan siya ng isang tupa para sa pag-aalay kapalit ng kanyang anak na si Isaac. Ang Eid'l Adha ay isa sa dalawang pinakamahalagang pagdiriwang sa Islam. Ito ay ginaganap pagkatapos ng hajj, o ang banal na paglalakbay sa Mecca, Saudi Arabia. Kamakailan, nanawagan si Pangulong Aquino sa mga Pilipinong Muslim na gawing patunay ang pagdiriwang ng Eid'l Adha sa pakipagtulungan tungo sa kapayapaan at pag-unlad. Nanawagan din si Aquino para sa isang "deeper engagement" mula sa lahat ng mga Muslim sa bansa para sa isang nagkakaisa at maunlad na Pilipinas. "Let this be an affirmation of our solidarity in pursuing the causes of peace and development for the greater good. May your reflections lead you to an even deeper engagement in our efforts towards creating a united and equitably progressive Philippines," ayon sa Pangulo sa isang mensaheng inilathala sa Official Gazette website noong Huwebes. Ayon sa Pangulo, ang pag-aalay umano ni Abraham sa anak nito "made him a model of obedience for us all." "May his example inspire us to be righteous and courageous in our undertakings, that we may follow God’s will for the betterment of ourselves and our world," dagdag niya. — LBG, GMA News