Filtered By: Topstories
News

PNoy, inihalintulad ni Ramos sa kapitan ng barko na dapat suportahan


Inihayag ni dating Pangulong Fidel Ramos na bukod sa “tuwid na daan," kailangan nasa “tamang" direksiyon ang tinatahak na landas ng pamamahala ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa exclusive interview ni Howie Severino sa News To Go ng GMA News TV nitong Huwebes, inihalintulad ni Ramos si Aquino sa kapitan ng barko na dapat tulungan ng lahat ng nakasakay dito.

“Lahat tayo ay nakasakay sa isang barko called MV Filipinas or Pilipinas. Iisa ‘yan, para sa atin ‘yan. Nandun tayo lahat nakasakay—mayaman, matanda, bata, Muslim, Christian, Lumad. At ang skipper natin ay si Pangulong Benigno S. Aquino III. E ‘di tulungan natin yung skipper natin," paliwanag ni Ramos na nagsilbing pangulo mula 1992 hanggang 1998. Nang tanungin ni Severino si Ramos kung nasa tamang direksyon ang paglalakbay ng ‘barko,’ ipinakahulugan ni Ramos na hindi lahat ng tuwid ay nakabubuti. “Mabuti sabi mo tama. Hindi yung matuwid, matuwid, puro matuwid tayo. Sa mga golfers, kung pinalo mo yung bola tumaas…pagbagsak niyan tatama na sa ulo mo ‘yan. Yung pa-ganito (pababa) na direksyon, matuwid din ‘yan e," paliwanag niya. Noong 2010 presidential elections, ginamit na campaign slogan ni Aquino ang salitang “tuwid na daan" na sumisimbulo sa kampanya niya kontra sa katiwalian. Ngunit para kay Ramos, ang higit na magandang daan ay ang pagtahak sa tamang direksyon kahit hindi ito maging tuwid basta makakamit ang layunin. “You launch the missile or golf ball or rocket at 45 degrees and it will gain the greatest distance theoretically. Because there’s the force of gravity so you cannot launch it too high, or too flat but at 45 degrees. ‘Yan ang tamang daan," paliwanag niya. Idinagdag niya, maraming bagay ang taas at baba ang direksiyon dahil na rin sa mga pangyayari na hindi maiiwasan gaya ng lagay ng ekonomiya at maging ang tao. “Hindi mo maiwasan yung up and down araw-araw. Laging may problema ang gobyerno. Nagkakaroon ng bagong isyu yung presidente. Merong external force na hindi natin maagapan kasi wala tayong kontrol diyan pero tumatama sa ating ekonomiya," ayon kay Ramos. Dagdag pa niya, “the maximum mileage you can be at a 4-degree trajectory in engineering. Alam ko yun, pasado tayo sa board... The mantra of it or the policy of the land must be moderated on that manner. We can’t express everybody like you and me, who are human sinners to be matuwid 24 hours a day, 365 days a year." Sa kabila nito, binigyan-diin niya na bilang magkakasama sa iisang barko, kailangang tulungan si Aquino sa paglalayag nito sa hirap man o ginhawa. “Let’s help him navigate the ship through thick and thin. Kung may sakuna rito at isang dangerous current doon, tulungan natin. Kung may makita tayong maliit na butas doon sa ating barko, ‘wag nating antayin yung crew na mag-ayos. Kung kaya natin, tayo na mag-ayos," payo ni Ramos. - FRJimenez, GMA News