Filtered By: Topstories
News

Ang 'Busong,' ang Palawan at ang misyon ni Direk Auraeus Solito


One down, two more to go. Matapos ang matagumpay na pelikulang Busong na umani ng mga pagkilala at parangal sa loob at labas ng bansa, dalawang pelikula pa ang planong gawin ni Direk Auraeus Solito na tumatalakay sa kultura, sining at kagandahan ng lalawigan ng Palawan. Isang trilogy ang pangarap ni Solito. “Ito talaga ang pangarap ko na ipakita ang kultura ng Palawanon, na tungkol sa teolohiya na’to kwento na una yung 'Busong' eh pilosopiya," paliwanag ni Direk Solito nang makapanayam ni GMA News anchor Howie Severino sa News To Go nitong Martes. Ayon sa premyadong direktor, pagkatapos ng Busong, susunod niyang gagawin ang pelikulang Baybayin at ang ikatlo na bubuo sa kanyang trilogy movie tungkol sa Palawan ay tatalakay naman sa pamumuno noon ng tribong ‘Palawan. “Yung pangalawa ‘yong tungkol sa pagsusulat namin, yung Baybayin. Kasi isa kami sa natitirang tribu sa Pilipinas na may sariling pagsusulat. In fact yung lola ko is one of the last writers of ‘Sulat Inaborlan, ang baybayin ng Palawan," kwento pa niya. Patuloy ni Direk Solito, dito ay makikita umano na bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol ay may sarili nang kultura ang mga Pilipino. Nagsimula ang interes at hangarin ni Direk Solito na magawa ang trilogy tungkol sa Palawan noong 1995 nang malaman niya ang kanyang pinagmulan mula sa tribung Palawan sa lalawigan ng Palawan. Kung tutuusin, sinabi ni Solito na hindi niya inasahan na mabibigyan pansin ng mga manunuri ng pelikula sa ibang bansa ang Busong na pinagbidahan ni Alessandra de Rossi. Ang Busong ay kwento ng isang babae na hindi makalakad bunga ng sugat sa paa at naghahanap ng manggagamot sa kanyang karamdaman. Sa kanyang paglalakbay kasama ang kapatid iikot ang istorya ng pelikula. Paliwanag ni Solito, ang kahulugan ng busong sa Palawan ay "instant karma." Bukod sa naipalabas na ito sa Cannes, tumanggap din ito kamakailan ng dalawang parangal sa Santa Rosa International Film Festival sa California; at nagkamit din ng pinakamataas na Merata Mita Award sa National Geographic’s All Roads Film Festival sa Washington, D.C. Itinuturing isang indie film ang Busong na pitong araw o isang linggo lang naipalabas sa ilang sinehan sa Pilipinas. Aminado si Alessandra na tila hindi pa sanay ang mga manonood na Pilipino sa mga ganitong tema ng pelikula pero hindi umano ito dapat maging dahilan upang huminto sa paggawa ng ganitong makabuluhang pelikula. “Hindi pa rin kasi masyadong exposed ang mga tao sa Pilipinas sa ibat ibang klase ng kwento. Usually kapag mayroon tayong isang nag-hit na kwento, doon na lang mag-i-stick. Lahat ngayon nasa (ang kwento ng pelikula) affairs tayo… dapat gawa tayo ng ganun direk," biro ni Alessandra kay Direk Solito na kasamang kinapanayam ni Howie. “Actually yung Baybayin natin medyo ang magkapatid ang may affair ‘di ba," tugon naman ng direktor. Ayon pa kay Alessandra, gusto niyang katrabaho si Direk Solito dahil marami siyang natututunan sa mga ginagawa nito, at maging ang mga manonood ay magkakaroon din ng kaalaman sa paksa ng kanyang pelikula. Nasimulan na ni Direk Solito na gawin ang Baybayin at mayroon na rin mga nagpahayag ng suporta sa ikatlong yugto ng kanyang pelikula tungkol sa Palawan kung saan ipakikita niya kung paano ginamit noon ng mga pinuno sa tribu ang kanilang karunungan at mahika sa pamununo, at ang pangangalaga sa kalikasan at sa kapwa. Ano kaya ang magiging titulo ng kanyang ikatlong pelikula? -- FRJimenez/HS, GMA News