Coal-fired power plant, inireklamo ng ilang residente sa Sual, Pangasinan
Isinisisi ng ilang magsasaka sa abo na nanggagaling sa coal-fired power plant sa Sual, Pangasinan ang mabagal na pagtubo umano ng kanilang pananim. Sa ulat ni Jasmien Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, inirereklamo ng mga magsasaka na humahalo sa lupa at sa patubig ang abo na nanggagaling sa planta. Ayon sa magsasaka na si Mang Celso Paz, 30 taon na siyang nagsasaka pero ngayon lang umano siya nakaranas ng naturang problema dahil sa mga abo. Inirereklamo rin ng ilang residente ang perwisyong dulot ng abo na nililipad patungo sa kanilang mga bahay. Tumanggi namang magpainterview sa harap ng camera ang pamunuan ng planta pero nagsasagawa na umano sila ng imbestigasyon tungkol sa reklamo. Maging ang pamunuan ng agricultural office ng Sual ay nagsasagawa rin umano ng hiwalay na pag-aaral tungkol sa naturang reklamo ng mga residente para matulungan ang mga magsasaka. – FRJ, GMA News