Mga artista, pelikula, dapat bang sisihin sa pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na nagpapakasal sa Simbahan?
Ang paghina ng Filipino values bunga ng iba’t ibang impluwensiya tulad ng mga artista at pelikulang ipinapalabas ay kabilang daw sa mga dahilan kaya nababawasan ang mga Kristiyanong nagsasama bilang mag-asawa na nagpapakasal sa Simbahan. Sa isinagawang Veritas Truth Survey kamakailan, lumitaw na 50.2-percent ng mga mag-asawang Pilipino ay hindi kasal sa Simbahan. Ito’y sa kabila na mayorya sa populasyon ng Pilipinas ay mga Katoliko. Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, kailangang kumilos at tugunan ng pamunuan ng Simbahang Katolika ang naging resulta ng survey. “Dapat kumilos ang pamunuan ng Simbahan para sagutin ito pagka’t hindi naman po puwede na nalaman natin ang sitwasyon na kayo ay nag-survey at nagsalita na rin yung NSO (National Statistics Office), tapos wala gagawin ang namumuno sa Simbahan…ay wala pong mangyayari sa atin," pahayag sa Radio Veritas ni Cruz, kasalukuyang chair ng Judicial Vicar of the National Appellate Matrimonial Tribunal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Una rito, nagpahayag maging si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., vice chairman ng Episcopal Commission on the Doctrine of Faith ng CBCP, na maituturing eye opener sa Simbahan at mga Katoliko ang resulta ng survey. Hindi niya itinago sa panayam ng Radio Veritas ang kanyang pagkalungkot sa katotohanan na mayorya sa mga nagsasamang Katoliko ay hindi ikinasal sa Simbahan. Aniya, kailangan umano ang renewal sa pamilyang Kristiyano na lubhang mahalaga bilang pundasyon ng Simbahang Katoliko at ng lipunan. “Hindi siya (pamilya) buo kung walang Christian marriage. Maraming nagsasamang Katoliko ay hindi buo ang Christian family," paliwanag ng obispo. “The Christian family is the foundation of the Church as the family is the foundation of the society." Kung mahina umano ang pundasyon na kinatatayuan ng Simbahan at lipunan, dapat itong ikabahala. “Kung mahina at hindi tunay na Kristiyano ay kulang nga dahil nagsasama sila at ang benefit ng Christian marriage ay nabuwal. Nabuwal talaga ang Simbahan at ito ay cause of concern. Buti na lang at napalabas yan ng survey," dagdag niya. Sa isang ulat ng GMANews Online, sinabi ni Msgr. Francis Lucas, the Executive Secretary of CBCP’s Episcopal Commission on Social Communication and Mass Media, na isa sa mga problema ng mga nagpapakasal ay pinipiling maging magarbo ang kanilang pag-iisang dibdib. “Almost all the parishes in the Philippines conduct free mass weddings," ayon kay Lucas. “It depends on how they want the wedding done. Ang kaso marami sa atin gusto espesyal, eh siyempre mahal." Sa espesyal na kasalan, sinabi ni Lucas na may karagdagan ito katulad ng “choir, a choir director, additional decorations, etcetera." Sa ibang datos ng NSO, lumitaw na mula 2003 hanggang 2007, umaabot sa 36 hanggang 37 percent ang average weddings na ginagawa sa Simbahang Katoliko. Ayon kay Cruz, taliwas sa akala ng marami na mahirap ang magpakasal, sinabi niya na madali lamang ito pero ang problema ay ang pag-unawa ng mga tao tungkol dito. Umaasa siya na sa pamamagitan ang survey ay maunawaan ng CBCP na dapat bigyan pansin at pag-ibayuhin ang family and life apostolate sa bawat parokya sa bansa. Paliwanag niya, dapat pag-ibayuhin ng naturang apostolate ang counseling sa mga gustong magpakasal na tinatawag na “pre-cana" sa loob ng isang taon at “post-cana" matapos ang kasal. Napapanahon din umano na pag-ibayuhin ng Simbahan ang pagtuturo ng katesismo at bagong evangelization sa mga Pilipino. Isinisi din ni Cruz sa iba’t ibang impluwensiya ang dahilan kung bakit maraming Pinoy ang hindi na pagpapakasal sa simbahan. Kabilang sa mga sinisi ng arsobispo sa paghina ng values system ng mga Pinoy ang impluwensiya ng mga dayuhan, globalisasiyon, mga pelikula at mga artistang nagiging modelo o ehemplo ng iba. “Ang globalization ‘di lang naman economics ‘yan at social development kundi values especially from this countries. Yung napapanood natin sa mga telebisyon, mga sine, ganun na rin sa ating movie industry sa Pilipinas, yung mga artista natin." paliwanag ni Cruz. “Talagang ang values system ay nag-iiba. Sabi nila bakit ka pa magpapakasal tutal mag-aaway lang din naman kayo, maghihiwalay din kayo. So tama po ‘yan, ako po’y tinatangap ko po ‘yan at ‘yan ay isa pong hamon sa Simbahan," ayon sa arsobispo Pero paglilinaw niya, dalawa o tatlong kaso lamang ng annulment cases ang natatanggap ng tribunal ngayong taon. Kadalasang dahilan umano ng paghahain ng annulment ng mag-asawa ay kakulangan sa kaisipan, may problema sa pagkatao at iba’t-ibang mentalidad o nakagisnang kaugalian ng pamilya. Patuloy ni Cruz, magiging hamon din sa Simbahan kung papaano ipaliliwanag sa mga mamamayan kung ano ang kasal at bakit kailangan talagang magpakasal kapag nais nating magkaroon ng pamilya. - MP/FRJimenez, GMA News