Filtered By: Topstories
News

Maraming Pinoy na ‘di kasal sa Simbahan, dapat daw na ikabahala


Aminado ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na dapat ikabahala ang resulta ng isinagawang survey na maraming Kristiyanong Pilipino na nagsasama bilang mag-asawa ang hindi kasal sa Simbahan. Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., vice chairman ng Episcopal Commission on the Doctrine of Faith ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), maituturing eye opener sa Simbahan at mga Katoliko ang resulta ng Veritas Truth Survey (VTS). Hindi niya itinago sa panayam ng Radio Veritas ang kanyang pagkalungkot sa katotohanan na mayorya sa mga nagsasamang Katoliko ay hindi ikinasal sa Simbahan. (Basahin: Half of married Pinoy Catholics did not get married in church) Dahil dito, kailangan umano ang renewal sa pamilyang Kristiyano na mahalaga bilang pundasyon ng Simbahang Katoliko at ng lipunan. “Hindi siya (pamilya) buo kung walang Christian marriage. Maraming nagsasamang Katoliko ay hindi buo ang Christian family," paliwanag ng Obispo. “The Christian family is the foundation of the Church as the family is the foundation of the society." Kung mahina umano ang pundasyon na kinatatayuan ng Simbahan at lipunan, dapat itong ikabahala, patuloy pa ni Bacani. “Kung mahina at hindi tunay na Kristiyano ay kulang nga dahil nagsasama sila at ang benefit ng Christian marriage ay nabuwal. Nabuwal talaga ang Simbahan at ito ay cause of concern. Buti na lang at napalabas yan ng survey," dagdag niya. Batay sa resulta ng VTS, marami sa mga tinanong na Kristiyano sa 85 Diyosesis sa bansa ang nagsasama nang hindi kasal lalo na sa simbahan. - MP/FRJ, GMA News