Dalawang ‘Peter Cayetano’ noong 2007 senatorial election
Alam niyo ba na hindi lang isa kundi dalawa ang kandidatong senador noong 2007 elections na gumamit ng pangalang “Peter Cayetano?" Bukod kay Senador Alan Peter Cayetano, nagpatala rin sa Commission on Elections (Comelec) bilang senatorial candidate ang isang Joselito Pepito “Peter" Cayetano. Naging misteryo sa marami ang katauhan ni Joselito Peter na napag-alaman na tubong Davao City at isinama sa senatorial candidate ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL). Gayunpaman, mismong si Sen. Ferdinand “Bongbong" Marcos, Jr., ang nagpahayag noon na hindi lehitimong kapartido at kandidato ng KBL si Joselito Peter. Dahil magiging problema sa balota at mano-manong pagbilang ng mga boto ang pagkakaroon ng dalawang “Peter Cayetano" sa eleksiyon, naghain ng petisyon si Alan Peter sa Comelec na idiskuwalipika ang kanyang katukayo. Nang panahong iyon, kongresista pa lamang ng Taguig si Alan Peter at unang pagkakataon niyang sasabak sa senatorial elections sa ilalim ng partidong Nacionalista Party na nakapaloob sa koalisyon ng Genuine Oposition (GO). Marso 27, 2007 nang magpalabas ng desisyon ang Comelec First Division at ideklarang nuisance candidate o panggulo si Joselito Peter. Pinagtibay ng komisyon ang naturang desisyon noong Mayo 11, 2007, isang araw matapos ganapin ang aktuwal na halalan. Dahil hindi inalis ng Comelec ang pangalan ni Joselito Peter sa listahan ng mga kandidato, nagdesisyon na hindi bibilangin ang mga boto na tanging “Cayetano" lang ang nakasulat. Pagkatapos ng bilangan, nanalo si Alan Peter at pumang-siyam sa puwesto sa nakuhang 11,787,679 boto. Ang kanyang katukayo na nadiskuwalipika at hindi nangampanya ay nakakuha pa ng 510,366 boto. - FRJimenez, GMA News