Filtered By: Topstories
News

Enrile, inireklamo sa Ombudsman dahil sa pagbubulgar ng 'backchannel' nego ni Trillanes sa China


Inireklamo sa Office of the Ombudsman nitong Martes si Senate President Juan Ponce Enrile kaugnay sa ginawang pagbubunyag sa backchanneling negotiation ni Senator Antonio Trillanes IV sa China. Sa naturang reklamo, inihayag ni Roel Garcia, tagapagsalita ng multisectoral group na Maypagasa, nilabag umano ni Enrile ang mga sumusunod: - Revised Penal Code, Article 118. Inciting to war or giving motives for reprisals. - Revised Penal Code, Article 154. Unlawful use of means of publication and unlawful utterances. - Revised Penal Code, Article 229. Revelation of secrets by an officer - Republic Act No. 3019, Section 3. Corrupt practices of public officers. - Republic Act No. 6713, Section 7. Prohibited Acts and Transactions. "Tingin namin, doon sa nabulgar niya, na-compromise hindi lang yung State e, pati rin ang posisyon natin doon sa [Panatag] Scarborough Shoal na hinihiling natin na isang peaceful resolution pero binulgar niya. Parang nakita ng China na may iba't ibang posisyon ang ating mga government officials at isa dun ang maging parang, tingin nilang naghahamon tayo ng giyera sa kanila," ayon kay Garcia matapos ihain ang reklamo. "Pinagtatawanan tayo ngayon ng China. Hihina ang ating market power sa posisyon natin regarding Scarborough Shoal," dagdag niya. Sinabi naman ni Enrile na handa niyang harapin ang reklamo. "OK sa akin. I'm ready...You are like throwing a fish into the river, into the water. I'll meet, I will welcome them," pahayag ng lider ng Senado nang kunan ng reaksiyon. Iginiit ni Enrile na tungkulin niya bilang Pilipino na ibunyag sa publiko ang backchanneling efforts ni Trillanes. "There is nothing security about that. My God, if somebody is working inimically against the interest of the public, it is my duty as a Filipino and your duty to bring it out. I'm sure that the Ombudsman will know that," pagdiin ng senador. Iginiit naman ni Garcia na wala silang kaugnayan kay Trillanes na tatakbo muling senador sa darating na eleksyon. "Grupong Maypagasa at concerned citizens ang involved. Wala pong politiko o connections kay Senator Trillanes," paliwanag nito. "We are here para ipakita na dapat maging responsable ang mga government official regarding issues." aniya. "Hindi dapat nila ito nilabas." Noong Setyembre 19, nagkainitan sina Trillanes at Enrile sa plenaryo ng Senado tungkol sa nakabinbin panukalang batas na hatiin ang lalawigan ng Camarines Sur. Matapos ihayag ang pag-alis niya sa grupo ng mayorya na pinamumunuan ni Enrile, inakusahan ni Trillanes ang lider ng Senado na minamadali ang pagpasa sa panukalang batas at lihim na kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Bilang tugon sa paratang, ibinulgar ni Enrile ang ginawang backchannel talks ni Trillanes sa China na paghina umano sa posisyon ng Pilipinas sa pag-angkin sa Panatag (Scarborough Shoal). Ang mga isiniwalat ni Enrile ay tungkol sa lihim na pakikipag-usap ni Trillanes sa China na batay umano sa mga tala ni dating Philippine Ambassador to China Sonia Brady o ang tinatawag na “Brady Notes." - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News