Filtered By: Topstories
News

Plagiarism, maaaring parusahan sa ilalim ng Cybercrime Law—De Lima


Sa ilalim ng kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act of 2012, maaari ring managot ang mga plagiarist, o ang mga magnanakaw o nangongopya ng ideya o salita ng iba at pagkatapos ay aangkinin. Sa kanyang isinumiteng opinyon, inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Martes na ang mga nangongopya ay maaaring managot sa bagong batas kapag napatunayang lumabag ito sa copyright law o eksklusibong karapatan ng lumikha ng isang katha. Sa bagong batas, mabibigyan ng kapangyarihan ang justice secretary na tanggalin ang mga nilalaman o i-block ang access ng mga site na paghihinalaang lumabag, kahit walang court order. "If an act of plagiarism amounts to a copyright infringement under the Intellectual Property Code (IPC), a special law, then the violator may likewise be held liable under the Cybercrime Prevention Act if he/she used information and communications technology (ICT) for its commission," inihayag niya sa kanyang 10-pahinang opinyon. Kamakailan ay naging sentro ng kontrobersiya si Sen. Tito Sotto dahil sa alegasyon ng pangongopya mula sa isang blog sa naging laman ng kanyang mga talumpati. Ayon kay De Lima, hindi umano krimen ang plagiarism “per se" ngunit maaari pa ring maparusan ang lalabag dito at pamultahin ng karampatang halaga para sa copyright infringement. Sa ilalim ng IPC, ang mga nagkasala ng plagiarism ay maaaring hatulan ng isa hanggang tatlong taong pagkabilanggo at multang P50,000 hanggang P150,000 para sa unang paglabag ng copyright infringement. Tatlong taon at isang araw hanggang anim na taon naman ng pagkabilanggo at multang P150,000 hanggang 500,000 para sa ikalawang paglabag. Kung maulit pa ito sa ikatlong pagkakataon, mayroon na itong kaparusahan na anim na taong at isang araw hanggang siyam na taon na pagkabilanggo at multang P500,000 hanggang P1.5 milyon. Kapag sa online lumabag, mas mabigat ang parusa dahil nakasaad sa Section 6 ng Cybercrime Act na one degree umanong mas mataas ang parusa ng mga "cybercrimes" sa ICT networks. "If copyright infringement was committed, the violator can be held liable under the IPC; in addition, he/she can also be held liable under the Cybercrime Prevention Act, if the plagiarism was committed through an ICT network or facility like the Internet," ani De Lima. Payo ng kalihim sa publiko: "When in doubt, cite." - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News