Filtered By: Topstories
News
Mga nabiktima ng batas militar, naghahanap pa rin ng hustisya
By Amanda Fernandez
Apat na dekada na ang nakaraan mula noong idineklara ang Martial Law, ngunit nananatiling buhay sa alaala ng mga biktima ang kalupitang dinanas sa ilalim ng kamay na bakal ng rehimeng Ferdinand E. Marcos.
Deklarasyon ng batas militar. File photo from the Task Force Detainees of the Philippines museum.
Mula taong 1975 hanggang 1985, aabot sa 3,257 ang naitalang extrajudicial killings; 35,000 ang na-torture; 70,000 ang nakulong; at 737 naman ang nawawala, ayon sa "Dark Legacy: Human rights under the Marcos regime" ni Alfred McCoy.
Duktor sa kanayunan
Isa lamang si Dr. Aurora Corazon Parong, kasalukuyang section director ng Amnesty International-Philippines, sa libu-libong naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law.
Katatapos lamang ni Parong sa pag-aaral ng medisina nang magpasya siyang manungkulan bilang duktor sa mga lugar na malayo sa kabihasnan.
Dr. Aurora Parong, Amnesty International Philippines Section Director. TFDP Museum
"I went to Cagayan Valley kasi taga-Nueva Vizcaya ako."
Ayon sa kanya, sa mga panahong iyon ay pinagsususpetsahan ng pamahalaan ang kanilang pagtulong sa mga mamamayan sa kanayunan.
"Parang at that time, hindi pa napo-popularize yung doctor sa mga baryo e," kwento niya.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin niya ang panunungkulan hanggang kinailangan niyang umuwi sa kanyang bayan sa Nueva Vizcaya.
"Nagkasakit kasi ang father ko so kinailangan from my work sa community, mag-clinic ako so nandoon ako sa town namin," ayon sa kanya.
Kwento niya, "July 6, 1982, nagpa-practice na ako; mayroon na akong clinic doon sa Bayombong, Nueva Vizcaya... doon sa bahay namin, bigla na lang may mga 50 na mga miyembro ng PC (Philippine Constabulary - ang tawag noon sa mga pulis), kasama ang kanilang top provincial officer.
"Pumunta sila sa bahay tapos inaresto kami without any warrant of arrest. Bale, after the detention, doon na lang na-justify ang pag-aresto sa amin, yun pala ay through a Presidential Commitment Order," aniya.
Maliban sa kanya, naaresto rin ang 13 niyang kasamahan. Kabilang sa mga ito ang kanyang mga kaibigan at ilang boarders sa kanilang bahay.
"At that time, politically active ako aside from being a doctor. At saka sa social awareness sa poor who can't access health services, including consultation by doctors and treatment by doctors," aniya.
Hinuli umano siya ng mga pulis dahil sa panggagamot sa mga rebelde. Iginiit naman niyang sinusunod lamang niya ang kanyang pinanumpaan bilang medical doctor.
"You don't ask [kung rebelde ba ang nagpapagamot], you treat everyone regardless of politics or whatever. In fact, nagpapakita rin ako ng care even for those who can't afford," paliwanag niya.
"Ang ginawa pala ng PC noon, nag-ano sila ng isang asset. May pasyente na pumunta sa clinic ko, lalaki, may sakit na malaria, walang pera, pero ginamot ko pa rin, binigyan ko pa raw ng gamot," kwento niya.
Maliban dito, inakusahan din siyang nagtatago ng mga armas sa kanyang tirahan.
"Ang crate of arms na sinasabi nila, you can laugh about it na sa ngayon, pero at that time, may mga malalaking console TV, parang malalaki, mayroong stand," aniya.
"May nakuha silang armas doon sa bahay pero may halo-halong hindi gumagana na isang armas tapos isang bala... Ang sabi ko, planted niyo 'yan, hindi ko naman kayo nakita nang tinitingnan ninyo ang kwarto. Bigla na lang nagkaroon ng mga armas," dagdag niya.
Dispersal ng rali noong panahon ni Marcos. File photo from TFDP museum.
Ni-raid din ng mga pulis ang clinic niya.
"Sabi ko nga, parang takot sila sa sarili nilang anino. Kinonfiscate nila ang syringes at mga needles na unused, na hindi pa nagagamit at nire-recycle namin ang mga syringes at saka yung needles. Tapos may mga prescription pads na blangko, siyempre, sabi ko, nasa clinic ako so you have all those things," aniya.
"Parang natakot sila na baka magamot ko raw ang mga rebelde. So, ang sabi ko naman, ang ano lang diyan, you should recognize that doctors have an oath to practice their profession and hindi niya pwedeng itanong ang mga politika," paglalahad pa ni Parong.
'Emotional torture'
Isang taon at anim na buwang nanatili si Parong sa bilangguan sa kasong "inciting to rebellion."
"Kung ikukumpara mo sa iba, I'm not really one of those who had very, very traumatic experience, except na hindi mo alam kung kailan ka mare-release," aniya.
Ayon sa kanya, may ilang mga taong nakaranas ng pisikal na pang-aabuso habang nakaditene noong mga panahong iyon. Ngunit para sa kanya, emosyonal ang naranasan niya.
Kwento niya, inihiwalay siya sa kanyang mga kasamahan at inilagay siya sa isang lugar na mayroong mga selda. Sa naturang lugar, puro lalaki ang kasama niya sa mga katabing selda.
Siya lang umano ang tanging babae at ang mga kasamang lalaki ay may mga mabibigat na kaso tulad ng murder.
May pagkakataon din na iniiwan umano ng kanilang warden na hindi nakakandado ang kanilang mga indibidwal na selda.
"Hindi talaga ako makatulog nun sa takot na baka patayin nila ako o baka ma-rape," pag-alala niya.
Sa kalaunan, napakawalan na rin siya sa tulong ng ilang mga kaibigan. Dahil sa kanyang karanasan, nagpasya siyang sumali sa isang grupong tumutulong sa mga biktima ng karapatang pantao.
"Gusto kong mag-give back. Naranasan ko rin kasi ang naranasan nila," aniya.
Ilang dekada na ang nakaraan ngunit patuloy pa rin ang kanyang pagtulong. Kasalakuyan niyang pinamumunuan ang human rights group na Amnesty International-Philippines.
"Kapag tinatanong nga nila ako kung anong specialty ko (bilang doktor), ang sinasagot ko, human rights doctor ako," aniya.
Dr. Nymia Simbulan, PhilRights Executive Director. TFDP Museum
Samantala, hindi naman nakaligtas ang mga kabataan noong panahon ng Martial Law. Sa mga panahong iyon, napatunayan ng karamihan ng mga kabataan ang kanilang pagiging matapang.
Isa sa mag-aaral na lumaban noon ay si Dr. Nymia Simbulan, kasalakuyang executive director ng Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) at propesor ng University of the Philippines Manila.
Nang idineklara ang martial law, 16-taong-gulang lamang siya at unang taon niya sa UP Manila.
"I ran for representative from first year in the student council prior to the declaration of Martial Law on September 21, 1972. I was very active in the student movement. Kumbaga, isa ako sa mga first year student leaders na litaw na litaw," kwento niya.
"'Yung UP Police had an idea kung sino yung mga aktibista in the campus. When Martial Law was declared, I was first year tapos yung mga different campuses sa UP, very strict sila in terms of, especially, entering the campus premises. Actually, may checkpoint iyan usually and they will really scrutinize and inspect your personal belongings," aniya.
Ayon sa kanya, nang ideklara ang martial law, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ngunit kinailangang itigil ang operasyon ng student council.
Nang panahong iyon, ipinagbabawal umano ang pagbubuo ng mga grupo. Hinuhuli na rin ang mga nagpprotesta ngunit hindi natinag ang mga kasamahan niyang mag-aaral. Kwento niya, nauso na noon ang pagbuo ng mga tinatawag na lightning rally.
"Mabilisan lang, hindi pwedeng magtagal. Parang to be able to protest, distribution of manifesto," aniya.
Kinailangan din umanong maging malikhain sa kanilang pagpoprotesta. Halimbawa, may isang pagkakataon na ginamit nila ang imahe ng pera upang takpan ang itinuping manifesto na kanilang ipinapamigay.
Sa mga hindi nakaaalam, aakalaing pera lamang ang kanilang ipinapamigay. Ngunit 'pag buksan ito makikita na ang manifesto, ayon kay Simbulan.
"Sayang nga e wala na akong naitago. Pero ang mukha, talagang pera. Iniiwan namin ito at ang makakapulot mag-aakala na pera, 'pag bukas, manifesto na pala," dagdag niya.
Dalawang beses nakulong si Simbulan. Ngunit hindi natinag ang kanyang tapang na ipaglaban ang kalayaan ng bansa.
Sa ngayon, pinamumunuan ni Simbulan ang PhilRights upang maipaglaban ang hustisya para sa mga naaapi.
Nakamtam na nga ba ang hustisya?
Matapos ang 1986 EDSA People Power at napatalsik sa posisyon si Marcos, sinasabing nakamtam na ng bansa ang kalayaan. Sa kabila nito, malaya man, nakamtam na rin ba ang hustiya ng mga biktima ng martial law?
Ayon kay Sister Cres Lucero, Co-chairperson ng Task Force Detainees of the Philippines, "In a way, yes. Nagtagumpay yung EDSA revolution. Para sa kanila, malaki ang pag-appreciate nila sa nangyari."
Sister Cres Lucero, TFDP Chairperson. TFDP
"Yung moral victory, nandiyan kasi nanalo tayo laban sa diktadura. Pero in terms of compensation, lahat iyon wala, hindi pa rin, napakahirap," dagdag niya.
Ayon kay Lucero, dapat ipasa na ang Martial Law Victims Compensation Act upang mabigyan ng sapat na kabayaran ang mga biktima o pamilya ng mga biktima noong panahon ni Marcos.
Inihayag naman ng Amnesty International-Philippines na kailangang maging mas malaman ang mga impormasyon tungkol sa batas militar na ituturo sa mga mag-aaral.
"The Department of Education should include a substantive section on martial law in the textbooks used in schools for the next generation to learn lessons from the martyrs and heroes who did not let fear overcome them, and instead courageously struggled against a dictatorship," nakasaad sa isang pahayag ng grupo.
Dagdag nito, "the members of the military and police who were responsible for the disappearances, torture and killings should come clean and speak the truth and expose the horror that was Martial Law."
"Kahit man lang kung saan sila nakalibing, sabihin na nila..." ani Dr. Parong. — FRJ/LBG/YA, GMA News
Tags: martiallaw, martiallawmarcos
More Videos
Most Popular