Filtered By: Topstories
News

2 umano'y sangkot sa Dos Palmas kidnapping noong 2001, arestado na


Naaresto Miyerkules ng gabi ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf group na sangkot sa Dos Palmas kidnapping noong 2001, ayon sa tagapagsalita ng militar nitong Huwebes. Kinilala ni Capt. Albert Caber ng Ist Infantry Division ng Philippine Army ang dalawa na sina Jojo Imam Pai at isang Aling, kapwa nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention. Bitbit ang arrest warrants, hinuli ng mga tauhan ng 101st Infantry Brigade ang dalawang suspek dakong 10:40 ng gabi sa Sitio Bukana, Barangay Usukan sa bayan ng Labason sa Zamboanga del Norte. Ayon kay Caber, dinala ang dalawa sa Zamboanga City para sa kanilang debriefing at proper disposition. Noong Mayo 2001, dinukot ng mga bandido ang ilang lokal at dayuhang turista sa Dos Palmas Resort sa Palawan, kabilang ang mag-asawang US missionaries na sina Martin at Gracia Burnham. Nang bumalik ang mga bandido sa a Basilan, dinukot din nila ilang mga lokal tursitang na nadadaanan nila. Nakatakas ang mga bandido mula sa operasyon ng mga militar sa Lamitan, Basilan, noong Hunyo 2001. Nagtapos ang Dos Palmas hostage-taking drama noong Hunyo 2002 nang sinugod ng security forces ng gobyerno ang pinagtataguan ng mga bandido sa Sibuco, Zamboanga del Norte. Sa mga panahong iyon, tatlo na lamang ang natitira nilang hostage – mag-asawang Burnham at ang Filipino nurse na si Ediborah Yap. Bago makaligtas, napatay sa crossfire sina Martin at Ediborah. Si Gracia lamang ang natirang buhay ngunit may tama ng bala sa kanyang binti. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News