Napulot na 2,000 euros, ibinalik ng kutsero sa mga turista sa Intramuros
Ibinalik ng isang kutsero sa Intramuros area sa Maynila ang mahigit 2,000 euros (mga P106,600) sa mga turistang French na umarkila ng kanyang kalesa Martes ng umaga. Ang katapatan ng kutsero ay unang ibinalita sa dzBB ni Carlo Mateo. Sa panayam naman ni Mike Enriquez at Arnold Clavio sa dzBB nitong Miyerkules ng umaga, sinabi ng 48-anyos na kutsero na si Jaime Mayol na sumakay sa kanyang kalesa ang apat na babaeng mga turista at nagpapaikot-ikot sa kanya sa buong Luneta Park. "Nang makababa po sila, nakita ko sa likurang bahagi ng kalesa yung wallet at nang tiningnan ko, nalalaman ito ng napakaraming pera po," sabi ni Mayol na residente ng Caloocan City. "Puro euro po yung pera. Seguro mga 2,000 po yung euro. O mahigit.," ayon kay Mayol. Matapos makita ang pera, agad na hinabol ng kutsero ang apat na mga turistang babae na nooy papasakay na ng ibang sasakyan paalis sa lugar. "Hinabol ko agad at ibinigay ko (ang pera)," sabi pa ng kutsero. Ayon sa kanya, naniniwala siya na babalik talaga ang mga turista sa lugar para hanapin ang pera. Sinabi ng kutsero, masayang-masaya ang babaeng nakaiwan ng pera nang maibalik ito sa kanya. "Sa tuwa nung babae, eh niyakap niya ako," ani Mayol, na napag-alaman na pangalawang beses na palang nagsauli ng naiwan na gamit sa kanyang kalesa. Sa unang pagkakataon ay nagsauli umano si Mayol ng isang bag na may laman na pera na naiwan naman ng isang Filipina na nagtratrabaho sa Japan. Ang kutserong si Mayol ay namamasukan lamang bilang isang kutsero sa mga kalesa na pag-aari ng isang Ronnie Sta. Maria. Kumikita siya ng 20 porsiyento sa kabuuang kita ng kalesa sa isang araw. Nasa P200 hanggang P300 ang kinikita ni Mayol kada araw sa kanyang pagiging kutsero. Kapag kalakasan naman ng biyahe ng kalesa, kumikita siya hanggang P500 isang araw, hindi pa kasama ang "tip" na ibinibigay ng mga pasahero. "Kung minsan yung mga foreigner natutuwa sa amin, binibigyan kami ng tip," sabi pa ng kutsero. Tatlong taon na nagku-kutsero si Mayol sa kalesa na hatak-hatak ng isang itim na kabayo na pinangalanan umano niya ng "Rapido." — LBG, GMA News