ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Phivolcs: 29 na bayan sa Eastern Visayas 'high risk' sa mga lindol


Aabot sa 29 na mga bayan sa Eastern Visayas ang maituturing na "high risk" o lubhang delikado sa mga lindol. Ayon sa Phivolcs, ang mga lugar na ito ay nasa "active Philippine Fault Zone" batay sa isinagawang geo-hazard mapping. Sa report ni Divine Reyes-Caraecle sa DZBB, sinabi ni Myra Dalina, isang science analyst ng Phivolcs, na bagamat may mga paggalaw na naitala sa naturang fault line, hindi pa ito masyadong naramdaman ng mga residente doon. Ang tinutukoy ni Dalina ay  ang Central Leyte Fault na napapaloob sa 1,200-kilometer Philippine Fault Zone na sumasakop sa mga lugar ng Mahaplag, Ormoc City, Kanangga, Kapookan, Javier, McArthur, La Paz, Abuyog, Burawin, at Albuera. Dagdag ng eksperto ng Phivolcs na dahil sa nasabing "fault line," "high risk" din ang ilang areas gaya ng bayan ng Sogod, Libagon, St Bernard, San Ricardo at Barangay Luan sa Southern Leyte. Kasama rin sa listahan ang Taft, San Julian, Sulat, Borongan City, Balangiga at Lawaan sa Eastern Samar, pati na rin ang Marabut, Basey, Pinabacdao, at Hinabagan sa Samar. — LBG, GMA News