Ilang lugar sa Cebu, nakaranas ng landslide; mag-asawa, nasawi sa Naga City
Isang mag-asawa sa Naga City, Cebu ang nasawi nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay nitong ng Martes ng gabi matapos ang malakas na pag-ulan. Bukod sa Naga City, nagkaroon din ng paggulo ng lupa sa iba pang lugar sa lalawigan katulad sa Mandaue at Talisay. Kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga nasawi sa Barangay Cantao-an, Naga City na sina Dionisio Villarmia, 42-anyos, at misis niyang si Juliana, 47. Matutulog na umano ang pamilya Villarmia nang matabunan ng lupa na may kasamang malalaking bato ang kanilang bahay, ayon sa ulat ng pulisya. Sa Brgy. Pagsabungan, Mandaue, isang lalaki ang isinugod sa ospital nang matabunan din ng lupa ang isang maliit na kapilya. Hindi rin nakaligtas sa landslide ang isang nakaburol na bangkay. Nabarahan din ng lupa at mga bato ang highway sa Talisay bunga ng mga naganap na landslide na kaagad ding naaalis. Sa panayam ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabi ni Abraham Lucero Jr., hepe ng Mines and Geosciences Bureau (MGB-Region 7), kasama sa tinatawag na moderate to high risk area sa geohazard map ang mga lugar kung saan may naganap na landslide. Batid na umano ng lokal na pamahalaan ang mga lugar na peligrosong panirahan pa ng mga tao. - FRJ, GMA News