Filtered By: Topstories
News

Tinatayang magnitude 7.7 na lindol, tumama sa Pilipinas; epicenter, nasa Eastern Samar


Niyanig ng lindol na tinatayang may lakas na 7.7 magnitude ang Pilipinas na ang sentro ay nakita 139 kilometro silangan ng Sulangan, Samar nitong Biyernes ng gabi. Sa tala ng US Geological Survey (USGS), naganap ang pagyanig dakong 8:45 p.m. (Philippine Time). Kasunod ng paglindol, nagpalabas ng tsunami warning ang US National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) sa Pilipinas, Japan, Indonesia, Taiwan, Papua New Guinea at iba pang isla sa dagat Pasipiko, kasama na ang Hawaii. Tsunami Alert Warning level 3 Sa panayam ng GMA News' "State of the Nation," nitong Biyernes ng gabi, inihayag ni Phivolcs director Renato Solidum, itinaas ang Tsunami Alert Warning level 3 sa Samar, Southern Leyte, Surigao del Norte, at iba pang lalawigan na nakaharap sa Pacific Ocean. Ayon sa opisyal, posibleng hindi bababa sa isang metro ang taas ng tsunami na maaaring idulot ng lindol kung magkakaroon man. "Dahil malakas ang lindol, nag-raise na ang Phivolcs ng tsunami warning and possible evacuation warning sa Samar, Southern Leyte, Surigao del Norte, and other provinces facing the Pacific Ocean," ani Solidum. "They should take precaution, because posibleng one meter or more ang taas [ng alon]," dagdag pa niya. Pinayuhan ni Solidum ang mga nakatira sa mga baybaying lugar na manmanan kung magkakaroon ng hindi pangkaraniwang paggalaw ang dagat. Dapat din umanong maging alerto sa magiging aftershocks ng lindol. Sa hiwalay na panayam ng "State of the Nation," sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Benito Ramos, na wala pa silang natatanggap na ulat na naging biktima sa naganap na lindol. "Ang ating eastern seabord, sa may Samar at Leyte, sa may Philippine Trench nangyari ang lindol kaya from Cagayan Valley to Surigao del Norte ay kailangan mag-ingat ang mga tao," payo niya. Pinakamalakas Sa ulat ng NDRRMC, sinabing naramdaman ang lindol sa mga sumusunod: Intensity 7 - Giuan, Oras, Sulat, Borongan City, Eastern Samar; Tacloban City, Leyte Intensity 6 - Siargao, Surigao del Norte; Tacloban City; Palo, Leyte; St Bernard, Southern Leyte Intensity 5 - Mati City, Compostela, Legaspi City, Iloilo City, Bislig, Iligan City; Davao City; Cateel, Davao Oriental; Roxas City, Capiz. Intensity 4 - Butuan City, Catbalogan City, Cagayan de Oro City, Dipolog City, Manukan, Zamboanga del Norte; Polanco, Zamboanga del Norte; Tagum, Davao del Norte, Digos City; Dumaguete City; Bacolod City. Intensity 3 - Cotabato City, Mambajao, Camiguin, General Santos City; Dao, Capiz, Dingle, Iloilo; Kidapawan City; Jaro, Iloilo; Daet, Camarines Norte; Binalbagan, Negros Oriental; Sindanga, Zambonga del Norte. Intensity 2 - Marawi City, Siplay City, Hinigaran, La Carlota, La Granja, Negros Occidental, Cebu City. Dahil sa pangamba ng tsunami, pinayuhan na lumikas ang mga naninirahan sa baybayin na nakaharap sa Pacific Ocean sa Northern at Easter Samar, Leyte, Southern Leyte, Surigao del Norte at Surigao del Sur. - FRJ, GMA News