Filtered By: Topstories
News

Mga salita na unang napili bilang 'salita ng taon'


Dahil itinuturing buhay at mayaman ang wikang Filipino, patuloy ang pag-usbong ng mga bagong salita. Alam niyo ba kung anong mga salita ang nakapasa sa unang SAWIKAAN na ginanap noong 2004? Inilunsad noong 2004 ang SAWIKAAN o pagpili ng salita ng taon na itinataguyod ng Filipinas institute of translation (FIT). Layunin nito na kilalanin ang mga salita o parirala na lumaganap sa bansa bawat taon. Noong 2004, umabot sa 14 na salita ang naging nominado. Ito ay ang “ukay-ukay" ni Delfin Tolentino; “kinse anyos" ni Teo Antonio, “text" ni Sarah Raymundo; “jologs" nina Alwin Aguirre at Michelle Ong; “otso-otso" ni Rene Villanueva; “salbakuta" ni Abdon Balde, Jr.; “fashonista" ni Jimmuel Naval; “dating" ni Bienvenido Lumbera; “tapsilog" ni Ruby G. Alcantara; “tsugi" ni Roland Tolentino; “tsika" ni Rene Boy Facunala o Ate Glow; “dagdag-bawas" ni Romulo Baquiran, Jr.; “terorista at terorismo" ni Leuterio C. Nicolas; at “canvass" ni Randy David. Sa huli, itinanghal na panalo ang "canvass", na sinundan ng "ukay-ukay", "tsika" at "tsugi". Sa gaganaping SAWIKAAN sa darating na Setyembre, ang mga nominado bilang salita ng taon ay ang “level up," “wang-wang," “trending," “SALN", “impeachment", “pagpag", “pick-up line", “palusot", “wagas", “android", “wiFi", at “fish kill." Sa tingin niyo, ano kaya dito ang dapat na manalo? – FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia