Filtered By: Topstories
News

Gahum ng dayuhan sa globalisasyon sa Pilipinas


"Kung mayroong kompetisyon sa globalisasyon, ano ang Pilipinas sa kompetisyon? Tagapalakpak na lamang ba? Tagapanuod na lamang ba?" Ito ang pambungad na katanungang inihain ni Propesor Voltaire Villanueva sa mga mag-aaral na dumalo sa talakayan sa Pamantasang De La Salle (DLSU) bilang paggunita sa Buwan ng Wika ngayong Agosto. Sa isinagawang "Talastasang-Wika" sa pamumuno ng mga propesor ng Departamento ng Filipino ng DLSU, magkasamang tinalakay ng mga guro at mag-aaral ang mga isyung Pangwika at Panlipunan, partikular na ang kalagayan ng globalisasyon sa Pilipinas. Aminado ang mga propesor na malaking kalaban ang globalisasyon sa pananatili ng pagkakakilanlan ng bansa. Sa paniniwala ni Propesor Emma Basco, hangad ng globalisasyong bumuo ng isang global na komunidad na mayroong iisa lamang na kultura. “’Yan ang kinatatakutan natin, na maging isa na lang ang kulturang iiral sa buong kapulungan at sa buong mundo,” aniya. Kulturang popular at kolonyal na pag-iisip Mahigit isang daang taon na ang nagdaan mula nang ideklara ang kalayaan ng bansa mula sa mga dayuhang mananakop, ngunit sa kabila nito, tunay na nga bang nakalas ng Pilipinas ang mga rehas na ipinataw ng mga dayuhan na umiiral sa kaisipan ng bansa? Hindi man sinasadya, napasok na sa isipan at kultura ng mga Pinoy, lalo na sa mga kabataan, ang impluwensya ng mga dayuhan sa mga pang-araw-araw na gawain. "Pumapasok dito ang usaping pagiging gahum, 'yung hegemony, na kung saan umiiral ang mga makapangyarihan at mga gustong magdomina ng kultura at wika ng mundo," ani Basco. Hanggang sa 'paglaya' ng Pilipinas, nananatili pa rin ang gahum, ang  pagdodomina ng ideolohiya o kagawian ng isang institusyon, ng mga dayuhan sa bansa. Sa tulong ng midya at iba pang impluwensya, marami ang na-engganyo na tangkilikin ang mga produkto ng ibang bansa. Halimbawa na lamang dito ang K-Pop o Korean Popular Music, J-Pop o Japanese Popular Music, at mga dayuhan brand tulad ng Forever 21, Uniqlo, McDonalds, Twitter at Facebook. "Nandiyan na ang mga Facebook, Internet, cellphone, na maaaring makasira sa ating tradisyonal na paraan ng pag-uugali," ani Villanueva. Sumang-ayon naman ang mga mag-aaral na tunay ngang bahagi na ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at pananalita. Pagtangkilik sa sariling gawa Sa isang linya sa isinulat ni Jose Rizal sa kanyang akdang El Filibusterismo, kabanata 7, nakasaad ang: “Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mabuti! Huwag kayong umasa sa kanila, umasa kayo sa inyong sarili at kumilos!" Ayon kay Propesor David Michael San Juan, "Tinutukoy niya 'yung mga dayuhang Kastila na sa kalaunan, nag-iibang anyo; nagiging Hapon, o Amerikano, at ngayon, Chinese na siguro." Ayon sa kanya, makatutulong sa pagpapatibay sa identidad ng bansa ang pagtangkilik sa sariling mga produkto. Naniniwala siyang may mga produkto ang bansa na maaaring makipagsabayan sa mga gawang dayuhan. Nang tanungin ang mga mag-aaral tungkol dito, inihayag nila ang: Jollibee, Mang Inasal, Manny Pacquiao, Bench, at Penshoppe. Maliban dito, maaari ding paigtingin ang katutubong kakayahan upang paunlarin ang ekonomiya. "Magtayo ng sariling industriya, mayaman naman tayo sa natural resources," ayon kay San Juan. "Gayahin natin ang mga ginawa ng mauunlad na bansa ngayon." "May ginto sa Mindanao, mag-process ka ng gold jewelry o gold bar. Huwag mong ibenta 'yung ginto na raw material lang. May troso ka, gumawa ka ng tooth pick, gumawa ka ng kahon, ng upuan, ng mesa," aniya. "May bakal tayo, gawa tayo ng mga sasakyan. Ang Japan walang bakal pero ang daming kotse. Kung anong nandiyan, iyon ang i-process natin," dagdag niya. Iminungkahi rin niya ang paggamit ng pambansang wika sa pakikipag-ugnayan sa mga kumpanya. "'Yung wika ng CEO, dapat Filipino rin para 'yung utos niya o 'yung gusto niyang mangyari, maiintindihan agad ng manggagawa," aniya. One Town, One Product Iminungkahi naman ni Villanueva na ipagpatuloy ang One Town, One Product (OTOP) na programa ng gobyerno. "Kailangan nating lumaya sa pagtingin sa hindi natin kaya," aniya. Ayon sa kanya, "ibig sabihin, sa bawat bayan, kung lahat kayo mayor, gagawa kayo ng isang produkto na magiging produkto natin sa buong daigdig." "Halimbawa, ang bayan ko ay Pateros, the balot capital of the world. Imagine, sa atin kumukuha ang buong mundo ng balot," dagdag niya. "Gaano tayo yayaman nito?" tanong niya. "Maraming trabaho, maunlad na bayan ang resulta nito." Hinangaan na demokrasya Nananatiling matatag ang loob ng mga propesor na darating ang panahon na bubuti ang kalagayan ng bayan at tuluyan nang magkaroon ng kakayahan ang Pilipinas na makipagsabayan sa globalisasyon habang hindi nasisira ang pagkakakilanlan nito. Ayon kay Propesor Mirylle Calindro, "Tulad ng panahon ngayon, hindi pa pwedeng dire-diretso kasi masama pa ang panahon. Pero papunta na tayo diyan. Inaasahan natin na makakarating din tayo." Iginiit naman ni Villanueva na hindi lamang naman materyal na gamit ang maaaring maging kontribusyon ng Pilipinas sa globalisasyon. Sa katunayan, minsan na rin umanong pumailanlang ang bansa nang mapatalsik ng mga tao ang diktadura ni dating presidente Ferdinand Marcos noong 1986, ngunit "nakakalungkot dahil hindi natin nabibigyang halaga," ayon sa kanya. "Demokrasya. Hinangaan tayo ng buong daigdig. Pero ang tanong, nagagamit ba natin ito bilang kalamangan ng bansa o inaabuso natin?" aniya. Ayon kay Villanueva, mahirap kalabanin ang globalisasyon ngunit dahil dito, "kailangang maging mas matapang tayo." – YA, GMA News