Publiko, pinag-iingat ng DOH sa mga sakit na nakukuha sa baha gaya ng leptospirosis
Kasabay ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa, nananatili ang babala ng Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay sa mga sakit na makukuha sa baha tulad ng leptospirosis na nagmumula sa ihi ng daga. Sa panayam ni Lala Roque sa 'News To Go' ng GMA News TV nitong Miyerkules, pinayuhan ni DOH Asec. Eric Tayag ang publiko na huwag lumusong sa baha kung hindi naman kailangan para makaiwas sa mga sakit. Ngunit kung hindi maiiwasan, ibayong pag-iingat ang kailangan, ayon kay Tayag. "Yung mga nasa tubig-baha naman po, kung mayroon kayong masusuot na bota, makakatulong po iyan," payo niya. Sintomas Kung lumusong na sa baha, iminungkahi ni Tayag sa publiko na bantayan ang kanilang kalusugan at pakiramdaman ang mga sintomas na maaaring may nakuha silang sakit. Kung may maramdamang sintomas, makabubuting kaagad na magpatingin sa duktor, payo niya. Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ay: - lagnat, - pananakit ng ulo at kalamnan, - pamumula ng mata, - pananakit ng binti, at - paninilaw ng balat. Iminumungkahi rin ang pag-inom ng antibiotic sa mga lumulusong baha. Ang naturang gamot ay ipinapamigay ng DOH sa mga evacuation center. "Yung mga patuloy pong nasa panganib po ng leptospirosis ay umiikot na po kami sa mga evacuation center sapagkat mamamahagi kami ng antibiotic na pwedeng inumin bago pa man magkaroon ng leptospirosis," ani Tayag. Ang 200mg na antibiotic na Doxycycline ay maaaring inumin ng isang beses sa loob ng isang linggo. "Halimbawa, kung uminom kayo ngayong Miyerkules, tapos hanggang sa susunod na Miyerkules, nagbaha pa rin at maputik sa lugar ninyo, iinom na kayo ng isang capsule na ito habang may panganib pa na maglalakad pa rin kayo sa baha," payo niya. Dagdag niya, kapag hindi makakuha ng libreng antibiotic, maaaring magpatingin sa doktor at humingi ng reseta para sa gamot. Ipinaalala rin ni Tayag na hindi sapat ang paghuhugas lamang ng katawan para makaiwas sa mga sakit nakukuha sa baha. Mas makabubuti pa rin ang magpatingin sa duktor o uminom ng gamot. "Makakatulong iyon (paglilinis ng katawan) pero malamang sa hindi, kung mayroon tayong mga sugat sa paa, pwede na pong pumasok ang bacteria ng leptospirosis," aniya. "So habang wala pa 'yung lagnat na iyan, pwede nang uminom ng antibiotic, na libre naming ibibigay, mag-antabay lang sa mga evacuation center," dagdag ni Tayag. - Amanda Fernandez/FRJ, GMA News