Pagguho ng lupa sa Q.C, 9 na miyembro ng pamilya, patay
Siyam na miyembro ng isang pamilya— kabilang ang tatlong bata — ang nasawi nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Quezon City nitong Martes ng umaga dahil sa walang tigil na pag-ulan. Kinilala ang mga nasawi na sina Cecilia Baylon, 19; Jessica Baylon, 23; Jayvee Baylon, 20; Jethro Baylon, 18; Jayson Baylon, 14; Jezelle Joy Baylon, 6; Jonathan Castulo, 3; Joshua Castulo, 2; at Jonica Castulo, 2 buwang gulang. Samantala, tatlong iba pa ang nasaktan na kinilalang sina Lidalyn Simbulan, 40; Ma. Lezlyn Simbulan, 19; at Jessie Baylon, 24. Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Mario De la Vega, dakong 3:00 p.m. nang makuha na ang lahat ng biktima sa ilalim ng lupa at putik na tumabon sa kanilang bahay sa Litex Road sa Commonwealth village sa Fairview, Quezon City. Umaga nitong Martes nang matapyas ang malaking bahagi ng lupa sa isang burol na tumabon naman sa limang kabahayan na nasa ibaba nito. Ang pagkuha sa mga biktima ay pinagtulungan ng mga residente at tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority, Red Cross, at Philippine Army. Batid umano ng mga residente sa lugar na mapanganib ang lugar na kinatitirikan ng kanilang bahay pero wala silang magawa dahil wala silang matitirhan. — FRJ, GMA News