Filtered By: Topstories
News

Mga barangay sa Calasiao at Dagupan sa Pangasinan, nalubog sa baha


Libu-libong pamilya ang inilikas sa kanilang mga bahay matapos na malubog sa baha ang maraming barangay sa Pangasinan bunsod ng pag-ulan na pinalala pa ng high tide. Sa ulat ni Joan Ponsoy sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabi nito na umabot sa 5,000 pamilya sa bayan ng Calasiao ang inilikas. Ilang kabahayan sa lugar ang nalubog sa baha na halos umabot na sa bubungan. Sa barangay Talibao, mga bangka at balsa na ang naging sistema ng transportasyon. Sa Dagupan City, 18 barangay ang nalubog sa baha na pinalala umano ng high tide. Pumasok na sa ilang kabahayan ang tubig, at apektado na rin ang ilang negosyo. Pinangangambahan na rin ang mga sakit na maaaring makuha sa matagal na pagkakababad sa tubig at iba pang uri ng karamdaman. Dagdag sa problema rin ang mga basurang hindi nahahakot. -- FRJ, GMA News