Filtered By: Topstories
News

Parehong posisyon ng Simbahan at ni Rep. Gloria vs RH bill, ‘di raw dapat intrigahin


Binalewala ng isang Obispo ang umano’y pang-iintriga sa Simbahang Katoliko at kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa magkaparehong posisyon nila laban sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RB)bill. Paglilinaw ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, noon pa man ay tutol na sa RH bill si Arroyo, na kongresista na ngayon ng Pampanga. Kaya naman wala raw katotohanan na ginagamit ng Simbahan si Arroyo; o ginagamit ni Arroyo ang Simbahan para makakuha ng suporta dahil na rin sa mga kinakaharap nitong kaso. “Nagkataon lamang na talagang siya (Arroyo) ay tutol sa RH bill noon pa man kahit noon pang pangulo pa siya," ani Bastes sa panayam ng Radyo Veritas. “Alam namin ang pananagutan ni CGMA sa taong bayan. Ibang isyu ang RH bill sa mga kasong kinakaharap ng dating pangulo," dagdag niya. Iginiit ng Obispo na alam nila ang kanilang ipinaglalaban at hindi nila maaaring ikumpromiso ang turo ng Panginoon kaugnay sa kasagraduhan ng pamilya at buhay kaya nila tinututulan ang RH bill. Kamakailan lang ay anim na kongresista na kaalyado ni Arroyo ang nagbitiw ng suporta sa RH bill. Hinihinala ni Albay Rep. Edcel Lagman na si Arroyo ang dahilan kaya nagbago ng posisyon ang ibang kongresista sa naturang usapin. Prayer rally handa na Idinagdag ni Bastes na magtutungo sa Maynila ang kanyang mga kababayan para dumalo sa isasagawang prayer rally sa Edsa Shrine para ipakita ang pagtutol sa panukalang batas na nakatakdang pagbotohan sa Kamara ng mga Representantes sa susunod na linggo. Samantala, sinabi naman ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, sisimulan nila sa pagrorosaryo at misa ang prayer vigil sa Biyernes ng gabi laban sa RH bill. Sa Sabado ng umaga, pangungunahan naman ng lokal na pamahalaan ng Balanga ang prayer rally laban sa RH bill na isasabay sa prayer rally sa Edsa Shrine sa Manila. Ayon naman kay dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo, magsisimula ang pagkilos ng kanyang diocese sa Iloilo sa Sabado ng tanghali. Inaasahang 10,000 anti-RH bill supporters ang magtutungo sa Jaro Sport Complex kung isasagawa ang kanilang prayer rally. -- MP/FRJ, GMA News