Filtered By: Topstories
News

DPWH: Mga bitak sa seawall ng Manila Bay, hindi dapat ikabahala


Cracks appear on the newly-repaired concrete seawall along the Baywalk area on Roxas Boulevard in Manila on Tuesday.Bam Alegre
Wala umanong peligro sa mga bitak na nakita sa bagong gawang seawall sa Manila Bay na unang winasak ng malalakas na alon dulot ng bagyo noong nakaraang taon. Halos tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas nang makumpleto ang paggawa sa naturang seawall na tinatayang ginastusan ng may P30 milyon. Ngunit ayon kay Reynaldo Tagudando, OIC-Director ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) National Capital Region, walang dapat ikabahala sa naturang mga bitak. Sa panayam ng GMA News Online kay Tagudando, sinabi nito na concrete topping lang ang apektado ng mga bitak at hindi ang mismong "structure" ng seawall. Ang concrete topping ay inilalagay sa ibabaw ng istruktura upang hindi ito maging madulas. "Superficial crack ang tawag nito. Hindi sa structure yung crack, sa concrete topping lang," paliwanag niya. "Itong concrete topping, nilagay namin para hindi madulas." Maaari umanong kaunti lamang ang nalagay sa epoxy sa concrete topping kaya nagkaroon ng tinatawag na superficial crack. "Hindi ko sinasabi na walang concrete epoxy baka hindi lang sufficient at sometimes dinadaanan ng bike, sometimes skateboard," dagdag ng opisyal. Bago pa man ang 'Bagyong Gener' Pinabulaanan naman ni Tagudando ang balitang nagmula umano ang mga bitak mula sa nagdaang bagyo. Nitong linggo, nakaranas ng malalakas na pag-alon sa Manila Bay dulot ng Bagyong Gener. Sa kabila nito, iginiit ni Tagudando na bago pa man ang bagyo ay mayroon na silang nakitang mga bitak. "Nagkaroon na ng crack before pa [ng bagyo]," aniya. "Ang ating structure is safe and sound. Wala siyang structure defect but superficial crack." Iginiit din ni Tagudando na nagsasagawa na ng pagsasaayos sa mga bitak bago pa ito makunan ng larawan at kumalat sa social media. “Hindi lang namin makumpleto ang lahat pa kasi naman 1.31 km [ang haba ng seawall]," paliwanag niya. "Tinitingnan namin kung alin diyan ang may superficial crack." 'Safe and sound' Sa kabila ng pagkakaroon ng superficial crack, kampante ang DPWH sa tibay ng bagong seawall na idinisenyo umano ng mga eksperto ng Bureau of Design ng DPWH. Nasira ang dating seawall noong Setyembre 2011 dahil sa matinding pag-ulan at pag-alon sa Manila Bay dulot ng Bagyong Pedring. Nitong Abril lang natapos ang konstruksyon ng umano'y pinahusay na bersiyon ng seawall. "Designed ito to resist the energy na binibigay ng storm surge," kwento ni Tagudando. "Mas malapad siya at mataas [kumpara sa luma]." Sa panibagong disenyo ng seawall, patung-patong umano ang mga materyales upang masiguro ang pagiging matibay ng intruktura. "Well, mayroon siyang armour rock, mayroon siyang putting, madaming bakal, mayroon siyang deflector na maraming bakal, na nagde-deflect sa waves," paliwanag niya. Sa kabila nito, aminado siyang mayroon pa ring mga alon na maaaring makaalpas at makaabot sa kalsada pero kaunti na lamang ito. "Mind you, 'yung malalaking storm surge, waves caused by storm surge, hindi niya made-deflect ng buo, ibig sabihin, may tatapon pa rin dito," aniya. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News