Filtered By: Topstories
News
Justice Abad, ayaw mag-inhibit, "absurd" ang 1 lamang na kinatawan ng Kongreso
Sa kabila ng kanyang pagtakbo bilang susunod na punong mahistrado, tumangging mag-inhibit si Associate Justice Roberto Abad sa Judicial and Bar Council (JBC).
Nais pa ring makilahok ni Abad sa botohan sa kabila ng pag-inhibit ng limang niyang mga kasamahang associate justice na tumatakbo rin sa parehong posisyon.
Sa limang pahinang dissenting opinion, ipinaliwanag ng mahistrado kung bakit pinili niyang hindi gayahin ang ibang kasamahan niyang nominado rin sa posisyon.
"Some of my colleagues who have been nominated to the position of Chief Justice like me have inhibited themselves from this case at the outset," ani Abad.
"I respect their judgments. I, on the other hand, chose not to inhibit myself from the case since I have found no compelling reason for doing so," dagdag ng mahistrado.
"Bicameral"
Samantala, ipinagtanggol ni Abad ang karapatan na magkaroon ng dalawang kinatawan sa JBC ang Kongreso, na "bicameral" umano at binubuo ng Senado at Kamara de Representantes.
Ayon kay Abad, bagamat nakasaad sa Konstitusyon na iisa lamang ang maaaring kinatawan ng Kongreso sa JBC, naunang nakadisenyo umano ito sa unicameral na lehislatura at hindi bicameral.
Sa kalaunan lamang napagdesisyunan ng Constitutional Commission na maging bicameral ang lehislatura at hindi na napalitan ang nakasaad sa Konstitusyon na "a member" lamang ng Kongreo ang maaaring umupo bilang ex-officio na miyembro ng JBC, ayon sa kanya.
Iginiit ni Abad na hindi umano dapat basahin ng literal ang kahulugan ng Section 8(1) ng Article VII ng Konstityusyon at dapat tignan ang "intent" o "true spirit" ng probisyon.
"Applying a verba legis or strictly literal interpretation of the constitution may render its provisions meaningless and lead to inconvenience, an absurd situation, or an injustice," aniya.
Ayon sa mahistrado, kinakailangang magkaroon ng pantay at hiwalay na kapangyarihan ang Senado at Kamara sa ibang kapulungang miyembro ng JBC. Dagdag niya, hindi umano dapat salitan ang pag-upo ng dalawa sa JBC.
"[That is] absurd since that would diminish their standing and make them second class members of the JBC, something that the Constitution clearly does not contemplate," sabi ni Abad.
Kung ikinatatakot daw ng marami na mas magiging makapangyarihan ang Kongreso sa JBC dahil dalawa ang kinatawan nila dito samantalang ang hudikatura at ehekutibo ay may tig-isa lamang, dapat isipin na lamang daw kung ilan ang hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III sa nasabing konseho.
"Actually, if the Court would go by numbers, it is the President who appoints six of the members of the JBC (the Chief Justice, the Secretary of Justice, and the four regular members), thus establishing an edge in favor of presidential appointees," ani Abad.
Ang JBC ang itinakda ng Konstitusyon na magproseso ng aplikasyon at pumili ng mga nominado para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura at opisina ng Ombudsman at Deputy Ombudsman.
Noong isang araw, nagdesisyon ang mayorya sa Korte Suprema na dapat ay isa lamang dapat ang kinatawan ng Kongreso sa JBC.
Hinayaan na ng korte ang Kongreso na mamimili kung kanino kila Sen. Francis Escudero at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. ang ititira bilang miyembro at sino ang aalisin sa konseho. — Mandy Fernandez/DVM, GMA News
Tags: jbcchiefjustice
More Videos
Most Popular