Filtered By: Topstories
News

Barkong pandigma ng China, sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatang sakop ng Pilipinas


Kinumpirma ng Embahada ng China sa Maynila nitong Biyernes na nagsasagawa sila ng rescue operations para sa barkong pandigma nila na sumadsad sa mga bahura sa bahagi ng pinag-aagawang South China Sea. Sa pahayag na ipinalabas ng Chinese embassy, sinabi nito na aksidenteng sumadsad ang isang sasakyan ng kanilang Navy sa Half Moon Shoal ng Nansha Island nitong Miyerkules. Ang naturang lugar na tinutukoy ng China ay inaangkin din ng Pilipinas at tinatawag namang 'Hasahasa.' Nasa patrol mission umano ang barko ng China nang mangyari ang aksidente. “According to the information we got from the Information Department of the Ministry of National Defense of China, around 7pm of July 11, a frigate of Chinese Navy ran aground accidentally at Half Moon Shoal of Nansha Isands during a routine patrol mission, with no personnel injured," ayon sa pahayag ng embahada ng China sa Maynila. “Currently the rescue work by the Chinese Navy is underway,"dagdag pa nito. Sa lumabas na ulat ng Sydney Morning Herald ng Australia nitong Biyernes, inilarawan na ang naturang barkong pandigma ay isang “ People's Liberation Army Navy vessel, believed to be No. 560, a Jianghu-class frigate." Idinagdag sa ulat na ang barko ay sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan sa layong "200 kilometers off the Philippine coast," na pasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa. Ang naturang barko umano ng China ang nagtataboy sa mga Pilipinong nangingisda sa lugar. Maaari umanong makadagdag sa tensiyon ng China at Pilipinas na naggigirian sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan ang pinakabagong insidente. – FRJ, GMA News