Filtered By: Topstories
News

Dioscoro Umali, tinaguriang ama ng plant breeding sa Pilipinas


Kinikilala si Dioscoro L. Umali bilang Pambansang Siyentista ng Pilipinas at ama ng pagpapalahi ng halaman (father of plant breeding), tagapagtaguyod ng pananaliksik sa agrikultura at tagapagtatag ng mga institusyong agrikultural sa bansa. Ngunit ilan ba ang nakakakilala sa kanya ngayon?

Dioscoro L. Umali. File photo from Dr. Serlie Jamias
Sa apat na taon kong pananatili sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños (UPLB), nakilala ko ang DL Umali bilang isang bulwagan ng sining, kultura at karunungan. Paano ba naman, doon ko yata napanood ang pinakamalalaking sampaksaan, dula-dulaan, at palabas sa unibersidad. Lingid sa aking kaalaman, hindi lang pala DL Umali Auditorium ang mayroon sa UPLB. Sa katunayan, DL Umali Freedom Park pala ang tawag sa kilalang tambayan ng mga estudyante. Pero sino nga ba si Dioscoro Umali at ilan ang nakakakilala sa kanya bilang pangunahing tagapagtaguyod ng UPLB? “Si DL Umali ang isa sa mga naging pinakatanyag na dekano ng UP College of Agriculture (mas kilala ngayon na UPLB), hindi lamang sa kolehiyo kundi pati na sa labas ng bansa,” ayon kay Propesor Janet Reguindin. Sa katunayan, ipinangalan sa kanya ang ilang gusali ng mga siyentipikong institusyon. Halimbawa na rito ang DL Umali Laboratory Hall ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) at DL Umali Hall ng International Rice Research Institute (IRRI). Sa akdang “Si Dr. Dioscoro L. Umali (1917-1992) at ang Kanyang Ambag sa Sektor ng Agrikultura sa Pilipinas,” inilatag ni Reguindin ang talambuhay ni DL Umali at kung papaano nabigyan-linaw ang kasaysayang pinagdaanan ng Kolehiyo ng Agrikultura at sa kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas sa kanyang panahon. Ulila sa Ama Ayon sa historyador, apat na taon pa lang si Dioscoro, at dalawang taon naman ang kapatid na si Telesforo nang mamatay ang kanilang ama na si Cesario sa Barcelona, Espanya pagkatapos magkasakit habang naglalayag bilang isang marino. Dahil dito, mag-isang itinaguyod ng kanilang ina ang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng bigas sa palengke. “Naging saksi ang dalawang magkapatid sa pagsisikap ng kanilang inang si Edilberta kaya hindi nakapagtataka na mulat sila sa kahirapan,” pahayag ni Reguindin. Hindi naman nabigo ang kanilang ina, parehong namayagpag ang magkapatid sa kanilang career. Ayon kay Reguindin, habang kinilala si Telesforo bilang bayani sa larangan ng pakikibaka at pagpapalaya sa bansa noong ikalawang digmaan, si Dioscoro naman ay umani ng parangal sa larangan ng siyensya, agrikultura at rural development. Siyentista at Lider “Nakilala si DL Umali dahil sa pagpapalahi ng Mussaenda philippica o Kahoy Dalaga noong huling taon ng Dekada '40," pahayag ni Reguindin. “Mula rito, umusbong ang kaniyang pangalan bilang isang agrikulturista at nakagawa pa ng mga pananaliksik tungkol sa palay, mais, abaka at iba pang prutas,” dagdag pa niya. Pero hindi dito nagtatapos ang kanyang ambag. Pinamunuan din ni DL Umali ang UP College of Agriculture (UPCA) at Departamento ng Agrikultura at Likas na Yaman. Siya rin ang unang Pilipinong naging assistant director-general at Kinatawang Pangrehiyon para sa Asya at Pasipiko ng Food and Agriculture Organization ng United Nations. Hindi naging madali ang panunungkulan ni DL Umali sa UPCA pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon sa pag-aaral, 26,000 aklat at pamphlet, 1,400 tesis at higit 500 siyentipikong dyornal ang naabo dahil sa digmaan. Maliban dito, bumaba ang mga estudyanteng pumapasok sa kolehiyo at lumaganap ang ideyang “mas mababa” ang kursong agrikultura kumpara sa ibang kurso. Kaya noong huling taon ng dekada ’50, inilunsad niya ang 5-YDP, o 5 Year Development Program, isang programang nakatuon sa pagtatayo ng 13 bagong gusali, pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo at pagpapatupad ng mga programang pangkalinangan. Ang programang ito ang naging blueprint sa pagsasarili ng UPCA. “Para sa mga naging saksi sa kanyang panunungkulan bilang Dekano ng kolehiyo, lagi at laging iniuugnay sa kaniya ang pag-usbong ng isang kolehiyo tungo sa pagiging ganap na unibersidad,” ayon kay Reguindin. Pero hindi nawala ang kritisismo laban sa pamantasan. Nagkaroon ng panawagan para sa Pilipinisasyon at binansagan ang Kolehiyo ng Agrikultura na University of America. Bukod dito, isang ‘boycott’ din ang idinaos upang hilingin ang pagbibitiw ni DL Umali sa dalawa pa niyang pwesto. Siya rin kasi ang vice president ng Unibersidad ng Pilipinas para sa usaping pang-agrikultura at forestry mula 1962 at pangalawang kalihim ng Department of Agriculture and Natural Resources. Yaman ng Guro Para kay Reguindin, napakarami nang nagawa ni DL Umali, pinakamahalagang ambag pa rin na kaniyang maituturing ang paghuhulma ng kaalamang agrikultural sa kaniyang mga estudyante na hanggang ngayon ay nananatiling buhay sa kanilang isipan.  Makikita ang kahusayan ni DL Umali sa galing ng mga agrikulturista na kaniyang naimpluwensiyahan. Kabilang na rito si Dr. Emil Javier na naging Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, si Dr. Ruben Villareal na naging Dekano ng Kolehiyo ng Agrikultura, si Dr. Fernando Bernardo na naging Dekano at Pangulo ng ngayo’y Visayas State University at si Dr. Dolores Ramirez, na katulad ni DL Umali, ay ginawaran ng pagkilala bilang Pambansang Siyentista. — LBG/FRJ, GMA News