Unang biyahe ng PNR mula Maynila patungong Pangasinan
Alam niyo ba na naghahatid na ng mga pasahero mula sa Maynila patungo sa Dagupan, Pangasinan ang mga tren ng Philippine National Railways (PNR) bago pa man naganap ang rebolusyon ng mga Pilipino laban sa mga mananakop na Kastila noong 1896? Hunyo 1875 nang atasan ni King Alfonso XII ng España sa pamamagitan ng Royal Decree ang Office of the Inspector of Public Works of the Philippines na magsumite ng general plan para sa pagsasagawa ng railroad system sa Luzon. Sa sumunod na taon (Pebrero 1876), isinumite ni Don Eduardo Lopez Navarro ng Office of the Inspector of Public Works ang kanyang MemoriaSobre el Plan General de Ferro-Carilles en Isla de Luzon, bilang pagtugon sa kautusan ng hari ng Espana. Sa pangunguna ni Antonio dela Camara, isinagawa ang pag-aaral sa rekomendasyon ni Navarro na tumagal hanggang Nobyembre 1883. Pagsapit ng Enero 1887, inaprubahan sa pamamagitan ng Royal Decree ang proyekto. Ipinakatiwala ang proyekto sa concessionaire na si Don Carlos Bertodano ng Manila Railroad Company (MRRCo) noong Hulyo 1887, at sinimulan ang konstruksiyon ng relis ng tren mula Maynila hanggang Dagupan. Sa inisyal na commercial operation ng tren, binuksan sa publiko ang unang bahagi ng ruta ng tren mula sa Tutuban sa Maynila hanggang Bagbag na may layong 45 kilometro noong Marso 1891. Pagsapit ng Nobyembre 1892, naging lubos na ang commercial operation ng tren mula Maynila hanggang Dagupan na may kabuuang layo na 195.4 kilometro. - FRJimenez, GMA News